Sino ang mas baliw?

LUMABAS na naman ang isyu tungkol sa away sa airport na kinasasangkutan ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto at ng inyong lingkod tatlong taon na ang nakararaan.

Bakit di pa nakakalimutan ng taumbayan ang pangyayaring yun samantalang ako ay nakapag-move on na.

Matagal ko nang pinatawad sina Claudine at Raymart although magsisinungaling ako kapag sinabi kong wala akong binalak na masama noon sa kanila.

Pero pinatawad ko sila hindi dahil sa isyu ng relihiyon kundi dahil ang taong di nagkikimkim ng sama ng loob ay nagkakaroon ng nakamamatay na karamdaman gaya ng heart attack o cancer.

Noong Biyernes ay lumabas ang balita na nagkabati na si Claudine at ang aking kapatid na si Raffy.

Humingi raw ng patawad si Claudine kay Raffy at pinatawad naman siya nito.

At ang patunay ay ang litrato na magkatabi sila ni Raffy at Claudine kasama ang abogadong mapapel na si Ferdinand Topacio at isang di kilalang babae.

Pinatulan naman kaagad ng mga TV networks ang litratong yun na hango sa Instagram.

Tinanong ako ng mga TV networks kung anong masasabi ko sa pagbabati ng dalawa.

Nagtaka ako sa tanong na yun dahil di naman nagkabangga sina Raffy and Claudine kundi ang inyong lingkod.

Nang makita ko ang litrato ay natawa ako dahil nakangiting aso si Raffy sa litrato.

Kilalang-kilala ko ang aking kapatid: Ang sinakyan lang niya si Claudine at nagbigay siya ng ngiting parang nakakaloko at nakakatuya.

Hindi ko pa nakakausap si Raffy (unang-una, wala naman kaming dapat pag-usapan), pero alam ko ang nasa kalooban ng kapatid ko noong kinukunan sila ng litrato.

“Kulang-kulang itong katabi ko, bakit kaya nagpapakuha ng litrato eh di naman siya ang nakalaban ko,” ang iniisip noon ng aking kapatid.

Ito namang si Claudine ay nilagay agad sa Instagram ang litrato nila ni Raffy.

Nang siya’y ma-interview, sinabi ni Claudine na nakausap na rin daw niya ako at humingi pa nga raw ako ng tawad sa kanya at siya sa akin.

Paano nangyari yun, hindi ko naman siya nakakausap?

Ito’y kanyang kathang isip lamang gaya ng sinabi niya na may bumaril sa kanya sa kanyang balkonahe samantalang wala namang narinig na putok ang kanyang mga kapitbahay.

Pinaunlakan ko ang interview sa akin ng TV5 at ABS-CBN. Sinabi ko sa kanila na wala nang dapat ihingi ng tawad sa akin si Claudine dahil matagal ko na siyang pinatawad.

Sinabi ko pa sa dalawang TV interviews na dapat ay unawain at kaawaan si Claudine dahil sa kanyang malubhang karamdaman sa pag-iisip (that portion was edited out by TV5).

May kasabihan na ang pumapatol sa baliw ay mas masahol pa sa baliw.

Dapat ay hindi na pinapatulan si Claudine ng mga diyaryo at TV networks dahil alam na nila ang kanyang karamdaman.

Ngayon sino ang mas baliw, ang media o si Claudine?

Kapag si Claudine ay hindi na pinatulan ay magpapagamot na yan sa psychiatrist o magpapa-confine sa ospital gaya ng ginawa sa kanya noon.

Kapag mas lalong pinapatulan ang may problema sa pag-iisip ay mas lalong magpapasikat yan upang ipakita na siya’y normal.

Walang iniwan yan sa batang nagwawala. Kapag inaalo ang batang naglulupasay ay lalong nagwawala ito. Hayaan mong maglulupasay ang batang nagwawala at di kalaunan ay tatahimik na siya.

Hindi na naawa ang mga diyaryo at TV networks kay Claudine dahil pinalalala nila ang kanyang sakit.

Payo ko sa ABS-CBN: Kung magpapadala kayo ng reporter na mag-interview tungkol sa isang maselan na bagay, huwag ipadala ang isang reporter na baguhan.

Ang reporter na nag-interview sa akin noong Sabado ay paulit-ulit akong tinanong kung pinatawad ko na si Claudine.
Binilang ko at ng aking mga kasama ang tanong ng reporter: Limang beses.
Parang hindi nakakaintindi ng Tagalog ang babaeng reporter na yun.

Read more...