Pacman patuloy na sinuswerte dahil kay Mommy Dionisia


Pagdating sa respeto at pagmamahal sa magulang ay nangunguna sa aming listahan si Congressman Manny Pacquiao. Puwede siyang mapintasan bilang boksingero, bilang kaibigan at bilang mister, pero bilang anak ay walang sinumang makapagsasabi ng anumang negatibo tungkol kay Pacman.

Bukas na aklat ang buhay niya, batambata pa silang magkakapatid nang maghiwalay ang kanilang mga magulang, sa murang isip ay natuto na silang gumawa ng paraan para mabuhay bilang suporta sa kanilang ina na mag-isa lang na sumusuporta sa kanila.

Dahil si Mommy Dionisia lang ang nag-iisang nagpalaki sa kanila ay pinagaan nila ang pinapasang krus ng kanilang nanay, natuto silang magtrabaho sa napakabatang edad, hanggang sa pumasok na nga sa pagboboksing ang Pambansang Kamao.

Nang ngitian ng kapalaran si Pacman dahil sa kanyang pamatay na kamao ay hindi niya sinarili lang ang mga materyal na bagay na kakambal ng kanyang kasikatan, una niyang sinuportahan at binahaginan ang kanyang pamilya, kasama na du’n ang kanyang ama na matagal na nilang hindi kasama dahil sa pagkakaroon nito ng pangalawang pamilya.

Hindi niya ‘yun itinatago kay Mommy Dionisia, lantaran ang ibinibigay niyang suporta sa kanyang ama, kung ibang anak lang si Pacman ay hindi nito makakayang gawin ang ganu’n sa amang nang-iwan sa kanila.

Kaya naman patuloy pa ring pinagpapala ang Pambansang Kamao, kaya naman pinapatnubayan pa rin siya ng Diyos sa kanyang mga laban, patuloy ang pagtatagumpay ng mga anak na may matinding respeto, pagmamahal at pagpapahalaga sa kanilang mga magulang.

Harinawang nagbabasa ngayon si Maegan Aguilar na kung lapastangin ang kanyang ama ay parang wala nang bukas pa.
Nakakapangilabot ang tabas ng dila ng babaeng ito.

Suwerte-suwerte rin ang pagiging magulang, may kani-kanyang ugali ang bawat anak, suwerte ng magulang kung marunong rumespeto ang kanilang supling.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...