NABAWI ni Nikko Huelgas ang national title na naisuko noong nakaraang taon habang nagpatuloy ang dominasyon ni Kim Mangrobang sa pagtatapos kahapon ng 2014 Philippine National Games (PNG) triathlon kahapon sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City.
Sa unang 500 metro sa run leg kumawala si Huelgas kay Banjo Cabalero Norte ng Cagayan de Oro City at kasapi ng Alaska Aspire upang maibaon sa limot ang nakuhang bronze medal lamang noong nakaraang taon sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at sinuportahan ngayong taon ng Summit Natural Water, Forever Rich Philippines, Bala Energy Drink, Milo, Standard Insurance, SM City Marikina at PLDT My DSL.
“Three out of four ako sa PNG dahil last year ay natalo ako dahil nasira ang kadena ng bike ko. I’m happy to have won the race again,” wika ni Huelgas na naorasan ng 1:20:25 sa 900-m swim, 27.1-k bike at 5.2-k run.
Si John Chicano ang siyang nagdedepensang kampeon ng kompetisyon pero hindi nakasali dahil may trangkaso.
Sina Huelgas at Chicano ang mga ipanlalaban ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) sa Asian Games sa Setyembre.
Kapos si Norte ng mahigit isang minuto sa naitalang oras na 1:21:26 para masungkit ang pilak habang ang tanso ay napanalunan ni Deo Timbol sa 1:27:32.
Wala namang naging problema kay Mangrobang na dominado ang karera mula simula tungo sa 1:36:54 oras para katampukan ang ikaapat na sunod na titulo sa PNG.
Mahigit 12 minuto ang agwat ng 22-anyos na Asian Games-bound na si Mangrobang sa tubong General Santos City at 24-anyos na si Noemi Andrea Galeos (1:49:27) habang si Bic Ferreria ng Baguio City ang pumangatlo sa 1:50:49.