HEAT GINIBA ANG PACERS SA GAME 3

MIAMI — Umiskor si LeBron James ng 26 puntos habang si Dwyane Wade ay nag-ambag ng 23 puntos para tulungan ang Miami Heat na patumbahin ang Indiana Pacers, 99-87, kahapon sa Game 3 ng NBA Eastern Conference finals.

Nagdagdag naman si Ray Allen ng 16 puntos at pinamunuan ang matinding arangkada sa huling yugto ng Heat na naghatid dito sa 2-1 abante sa kanilang best-of-seven series. Ang Game 4 ay gaganapin bukas sa Miami.

Naghabol ang Heat mula sa 15 puntos sa first half at nagawang makuha ang kalamangan sa kaagahan ng ikatlong yugto.
Gumawa naman si Paul George ng 17 puntos, mula sa 5 for 13 shooting, para pamunaan ang Indiana. Si Roy Hibbert ay nagdagdag ng 16 puntos, si David West ay nag-ambag ng 13 puntos at si Lance Stephenson ay may 10 puntos para sa Pacers.

Inumpisahan ng Miami ang laro sa pamamagitan ng 2 for 10 shooting mula sa floor. Sinundan ito ng Heat sa pagbuslo ng 21 sa kanilang sumunod na 31 shots, kabilang ang walong sunod sa ikatlong yugto na nagbigay sa two-time defending NBA champions ng kanilang kauna-unahang kalamangan sa laro.

Ang dunk ni James may 7:36 ang nalalabi sa ikatlong yugto ang nagbigay sa Miami ng kanilang unang kalamangan, 52-51. Ito naman ang una sa siyam na lead changes sa nasabing yugto bago isinagawa ng Heat ang ipinagsusumamo ni coach Erik Spoelstra sa isang  pregame locker room address na “Impose our identity.”

Naintindihan naman ito ng Heat at ang dalawa sa pinakamahusay nitong manlalaro ang nanguna rito.

Tumira si James ng 3-pointer may 1:21 ang natitira sa ikatlong yugto na nagbigay sa Miami ng 67-63 abante. Pinalitan naman ni Wade si James may 5.7 segundo ang nalalabi dahil ang four-time MVP ay may iniindang hamstring cramp at nakapagbuslo siya ng 3-pointer may 1.4 segundo ang natitira para mahawakan ng Heat ang 74-67 kalamangan patungo sa ikaapat na yugto.

Bumalik naman si James patungo sa locker room subalit tumigil sa  hallway na tinatawag na “Championship Alley” kung saan pinag-unat siya ng trainer na si Mike Mancias.

Samantala, si Wade, na hindi kilala sa pagtira ng 3-pointers, ay binuksan ang ikaapat na yugto sa pamamagitan ng isa pang tres na naging daan para umangat ang kalamangan ng Heat sa 10 puntos at tuluyang maiwanan ang Pacers.

Nakadikit ang Indiana sa 76-74 bago sinagot ito ni Allen ng 3-pointer na naging daan para tuluyang makontrol ng Heat ang laro sa huling mga minuto. Gumawa si Allen ng tatlong tres sa huling 5:59 ng laro at ang huling 3-pointer niya ang nagbigay sa Miami ng 15 puntos na kalamangan.

Bunga nito ang Indiana ay nakalasap ng pagkatalo sa ikalawang pagkakataon sa Miami ngayong season matapos na makalamang ng 15 puntos. Nangyari rin ito noong Disyembre 18.

Nakalamang naman ang Pacers sa halftime, 42-38, kung saan nagawa nilang dominahin ang Heat.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...