NITONG Huwebes inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang pinal na desisyon nito na nagdidiskwalipika kay Laguna Gov. ER Ejercito dahil sa overspending matapos umanong gumastos ng P23.5 milyon sa kampanya noong 2013 elections. Sobra daw ito sa dapat ay P4.5 milyon lamang ng gastos.
Sigaw pa rin ni Ejercito, pinipersonal siya ng Comelec at Malacanang.
Ilang beses nang itinanggi ng Comelec at ng Malacanang na pinipersonal nila Ejercito dahil sa pagiging kapamilya ng mga Estrada.
Alam naman natin na pamangking-buo ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada si Ejercito.
Pero ang tanong ng mga katropa, ang Comelec lang ba ang hindi nakakaalam na halos lahat ng kumandidato noong nakaraang eleksyon ay sobra-sobra ang ginastos?
O baka naman nagpapanggap lang ang Comelec na hindi nito alam na pati mga kandidato sa barangay ay over din sa paggastos para lang matiyak ang panalo?
Ang punto natin, kung talagang desidido ang Comelec na papanagutin ang mga kandidatong gumastos ng napakalalaki para lamang manalo sa halalan, di dapat mamili ang pupuntiryahin ng Comelec. Ang kaso, pag ginawa nga ito ng Comelec, tiyak na wala nang matitirang nakapwesto!
Kung gustong ipatupad ng poll body ang batas, dapat ay para sa lahat at hindi lamang sa gustong pag-initan o kaya ay sa hindi kakampi ng Palasyo.
Sino ang maniniwala na hindi alam ng Comelec na lahat ng mga kumakandidato ay lumalabag sa itinakda ng batas hinggil sa tamang paggasta sa kada eleksyon?
Bagamat tama si Comelec Chairman Sixto Brillantes na ito ang unang pagkakataon na may mapapababa sa puwesto dahil sa overspending, hindi naman niya maaaring idahilan na ngayon lamang may ebidensiya na magpapatunay na sangkot ang isang kumandidato sa sobra-sobrang paggasta.
Para sa kaalaman ng Comelec, kahit sino ay alam, maging ang mga talunang kandidato, na lahat sila ay sobra-sobra ang ginasta sa halalan.
Maniniwala ba kayo na gumastos lamang ng P4.5 milyon ang ibang tumakbo sa provincial elections sa Laguna?
Ang batas ay para sa lahat. Hindi lamang ito dapat gamitin sa mga kalaban ng administrasyon. Dapat itong ipatupad ng walang pinag-iinitan.
Bilang isang constitutional body na may hiwalay na mandato, hindi dapat nagpapadikta ang Comelec sa nakaupo bagamat alam naman natin na lahat ng nakaupo ngayon ay pawang itinalaga na ng administrasyon.
Kung nagkasala si Ejercito sa overspending, dapat siyang panagutin pero dapat papanagutin din ang lahat ng sangkot sa sobra-sobrang paggastos. Ang problema lang natin, wala nang matitirang nakaupo!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.