Air21 tinambakan ang Barako Bull

Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
3 p.m. Globalport vs Rain or Shine
5:15 p.m. San Miguel Beer vs San Mig Coffee

NAGSAGAWA ang Air21 Express ng matinding ratsada sa ikaapat na yguto para matambakan ang Barako Bull Energy, 101-86, sa kanilang PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup game kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Express na nanatili sa itaas ng team standings. Ang Energy ay nahulog naman sa 1-2 record matapos malasap ang ikalawang diretsong pagkatalo.

Pinamunuan ni Dominique Sutton ang Air21 sa kinamadang 24 puntos habang si Paul Asi Taulava, na napili bilang best player of the game, ay nagtala ng 22 puntos, 12 rebounds at limang assists.

Pinangunahan naman ni Eric Wise ang Barako Bull sa ginawang 24 puntos habang si Jeric Fortuna ay nag-ambag ng 13 puntos.
Samantala, umaasa si San Mig Coffee coach Tim Cone na gaganda ang performance ng import na si Marqus Blakely sa salpukan ng Mixers at San Miguel Beer mamayang alas-5:15 ng hapon sa Mall of Asia Arena.

Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon, puntirya ng Globalport ang ikalawang sunod na panalo kontra sa sumasadsad na Rain or Shine.

Si Blakely ay nagtala lamang ng 10 puntos subalit nagwagi ang Mixers kontra sa Barako Bull, 76-66, noong Miyerkules.
“We certainly did not look like a champion team in that game.

There’s a disruption in our rotation with Marcus here and Allein Maliksi reactivated. We stayed in the game with our defense. We hope to sharpen our offense with a little time,” ani Cone na patuloy na sasandig kina Marc Pingris, Joe Devance, Peter June Simon, Mark Barroca at James Yap.

Ang San Miguel Beer ay nakabawi sa 94-87 pagkatalo sa Alaska Milk nang magwagi ito kontra Rain or Shine, 97-92, noong Biyernes. Sa dalawang games, si SMB import Reggie Williams ay nag-average ng 35.5 puntos upang pangunahan ang mga reinforcements sa torneo.

Laban sa Rain or Shine, nagbida para sa Beermen si June Mar Fajardo na hindi napigilan sa shaded area at nagtapos nang may 28 puntos at 18 rebounds. Kaya naman kailangang magtrabaho nang husto ang mga big men ni Cone upang mapigilan si Fajardo.

Makakatulong ni Fajardo sina Arwind Santos, Marcio Lassiter, Chris Lutz, Chris Ross at Rico Maierhofer. Ang Globalport ay galing sa 95-91 panalo kontra Alaska Milk matapos na matambakan ng Barangay Ginebra San Miguel, 89-71.

Sa kabilang dako, ang Rain or Shine ay hindi pa nagwawagi sa dalawang laro. Sa import matchup ay magkikita sina Leroy Hickerson ng Globalport at Arizona Reid ng Rain or Shine na parehong datihan.

Si Hickerson ay tutulungan nina Jay Washington, Alex Cabagnot, Terrence Romeo at RR Garcia. Makakatuwang naman ni Reid sina Gabe Norwood, Jeff Chan, Paul Lee at Beau Belga.

( Photo credit to PBA Images )

Read more...