MALABO man mangyari ang sa ngayon ang inaabangang megafight sa pagitan nina Floyd Mayweather Jr. at Manny Pacquiao naniniwala naman si Top Rank promoter at CEO Bob Arum na matutuloy ang labang ito sa 2016.
Ang sagupaan sa pagitan nina Mayweather at Pacquiao ang isa sa mga inaantabayanang laban ng mga boxing fans dahil sila ang kinikilalang pinakamahusay na pound-for-pound fighters sa mundo.
Bagamat galing sa mga pagkatalo kina Timothy Bradley at Juan Manuel Marquez noong 2012, nakabangon naman si Pacquiao matapos na magtala ng kumbinsidong panalo laban kay Brandon Rios noong Nobyembre 2013 sa Macau, China.
Nakaganti naman si Pacquiao kay Bradley matapos na talunin ito sa pamamagitan ng impresibong unanimous decision na pagwawagi. Nabawi rin niya sa Amerikanong boksingero ang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight.
Ayon kay Arum posible pa ring mangyari ang labanan sa pagitan nina Pacquiao at Mayweather dahil bukas naman siya umano sa negosasyon sa partido ng walang talong Amerikano.
Ang five-division world champion na si Mayweather ay galing naman sa panalo laban kay Marcos Maidana nitong nakaraang Mayo 3 para mapalawig ang walang bahid nitong kartada sa 46-0.
Noon pang 2010 ikinakasa ang sagupaan nila ni Pacquiao subalit hindi ito natuloy dahil sa hirit ni Mayweather na dumaan sila sa isang random drug testing.
Naniniwala kasi si Mayweather na posibleng gumagamit ng performance enhancing drugs si Pacquiao kaya ito nanalo ng mga world titles sa iba’t-ibang weight classes.
Sinabi rin nito na hindi niya lalabanan ang Pinoy boxing hero hanggang si Arum ang promoter nito. Subalit iba naman ang paniniwala ng 82-anyos na promoter patungkol dito.
( Photo credit to manny pacquiao official fanpage )