PINALAWIG pa ng korte ang Temporary Restraining Order para pigilin sina Vice Mayor Edgar Erice at Department of Interior and Local Government para ipatupad ang suspension order kay Mayor Enrico (Recom) Echiverri.
Ang ibig sabihin nito ay magpapatuloy pa ang mga barikada’t walang hanggang paglaladlad ng mga tarpulina sa sumusuporta kay Echiverri.
Ang ibig sabihin ay hindi na naman normal ang serbisyo ng lungsod sa taumbayan, tulad ng pagbabayad ng amelyar, na si-nabing offline daw at nag-crash (magkaiba ang offline at crash, at paano nalaman ng tumatanggap ng bayad ng amelyar na nag-crash ang sistema? Yun pala, paalis sila patungong City Hall sa Mabini.
Nakalulungkot na ganito na naman ang Caloocan, simula sa bangayang Asistio-Malonzo. Nakaaawang hindi na aasenso ang Caloocan at napag-iwanan na ng mga lungsod sa Metro Manila.
Di nakapagtataka kung bakit walang mga malls ang mga Sy, Gokongwei, Ayala, Gaisano, atbp., sa Caloocan. Sa Bagong Silang at Tala, kapansin-pansin ang maraming pamilya na walang serbisyo ng kuryente: dahil di na nila kayang bayaran ang singil ng Meralco.
Poong Nazareno, iba-ngon mo ang Sambayang Pilipino, amen. —Lito Bautista
MALALA na ang away ng minority bloc sa Kamara. Meron nang majority among the minority. Sila-sila ay nagkakagatan.
Mukhang nagkaduguan na kasi sina Albay Rep. Edcel Lagman, ang kasalukuyang minority leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na siyang gustong pumalit kay Lagman.
Kinaladkad na ni Lagman si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa isyu dahil mga close dito ang mga nais na magpatalsik sa kanya. Mga kasama ni GMA, noong siya pa ang nasa Malacanang, sa kanyang biyahe ang nasa likod ng pagsibak kay Lagman.
Sabi naman ni Suarez dapat kilalanin ni Lagman ang kanilang napagkasunduan term sharing at bumaba na ito sa puwesto. Kung anu-anong tsismis na rin ang narinig natin.
Nariyan ang namimigay na raw ng pera para paburan ang isa. Sa pagbubukas ng sesyon sa Lunes ay magkakaalaman kung nagtagumpay ang pagpapatalsik kay Lagman o nabigo si Suarez na kunin ang mayorya ng 19 nilang miyembro para patalsikin ito.
Kung nagkakagulo ang mi-norya, magulo rin sa Ating Koop partylist. Nadiskubre ni Ating Koop Rep. Isidro Lico ang mga ghost consultant at illegal transfer of funds mula sa P70 milyon pork barrel.
Ang ginawa ni Lico, nagpatawag ng general membership meeting at bumoto para sa bagong set ng 15-member central committee. Dahil dito, may mga nagalit, siyempre yung mga nawala sa puwesto.
Tinanggal na rin ang mga ghost consultants at hinigpitan ang paggamit sa pork barrel.
Kamakailan ay sumulat ang isang bloc ng partylist kay Speaker Feliciano Belmonte Jr., at ipinatatanggal si Lico. Inalis na umano nila ito bilang miyembro ng kanilang partylist.
Pero hindi basta-basta matatanggal si Lico dahil may proseso bago maalis ang isang kongresista. Hindi porke sinabi nito, susunod agad ang Kamara. Baka abutan na sila ng susunod na eleksyon, hindi pa natatapos yan. —Leifbilly Begas
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Salamat sa Bandera. Kararating lang ng relief goods sa amin sa Abuyog, Leyte.
Two kilos of rice, one bar laundry soap, three pieces instant noodles, three packs Nescafe two grams, 1/4 kilo brown sugar. Kung di ninyo inilathala, baka nakalimutan na ang Abuyog. …8368
Ang highway dito sa amin sa Pandag, Maguindanao ay lubak-lubak. Sana’y aksyunan naman ito ng gobyerno. Castro M. Buka, 28, ng Pandag, Maguindanao.
Ako po’y Bandera loyalist simula pa noong may lotto analysis at kolum ni Hon. Pompeyo Navarro, Retired teacher na ako at ibig ko lang ipaabot sa bayan na dito sa lugar ko sa Cagayan de Oro City, hindi ko gusto ang ginawa ni P-Noy nang pagalitan niya si Mayor Vicente Emano nang magpunta siya rito at namahagi ng kakarampot na relief.
Maraming opisyal ang nagpunta rito pero di sila nakikipag-usap o nagbigay-galang man lang kay Mayor Emano. Mabuti pa si Pangulong Erap. Siya ang may pinakamalaking tulong sa amin, nagbigay ng tig-P1,000 cash. Ang relief kasi, kapag kinuwenta, P250 lang. Ramon, ng Bulua.
MAY alam ka bang katiwalian sa isang sangay ng gobyerno? Ikaw ba’y hiningan ng pera habang naglalakad ng papeles sa ahensiya ng gobyerno?
O may alam ka bang opisyal ng gobyerno na may ibinabahay na iba? May reklamo ba kayo sa mga pulis? May ibinabahay bang ibang pamilya ang pulis sa inyo? Parati ba siyang galit sa pera? O adik na ba siya? Tulungan natin ang pamahalaan na linisin ang kanilang hanay.
Tulungan din nating mapigilan ang katiwalian sa gobyerno. Sumulat sa Tropang Bandera, MRP Plaza bldg., Pasong Tirad corner Mola st., Makati City.
Lakipan lamang ng Bandera logo with date ang inyong liham.