Lokohan at nakawan Lista, lista-listahan

AH, ganoon.  May lista sina Janet Napoles, Panfilo Lacson, Leila de Lima, at di rin patatalo at pahuhuli sina Ben Hur Luy, pamilya at mga kamag-anak nito, nila.  Nakalilito pero masaya.

Napakasaya.  Maraming lista at meron din namang lista-listahan.  Kung kanino ang tunay na lista ay ang mga magnanakaw na lamang ang nakaaalam.  Kung kanino ang di tunay na listahan ay mga magnanakaw din naman ang nakaaalam.

Pero iba ang listahan, o alaala, ng mga magnanakaw na nahuhuli ng mga pulis sa Barangay Batasan Hills at Paang Bundok sa Quezon City, sa Plaza Hugo, Santa Ana at Laura sa Pandacan, Maynila; o sa buong Baseco at Isla Putting Bato sa Tondo.

Sa kanilang listahan at marungis na alaala (meron bang malinis na alaala ang sinungaling at magnanakaw na mga senador, kongresista at miyembro mismo ng Gabinete?

Meron ba, Ben Evardone) ang lista at lista-listahan ay panglito, panggulo at para mas lalo pang maging mas malabo pa sa sabaw ng pusit ang hinahabol na mga ninakaw; at di na nga hahabulin para makasuhan ang tunay na mga kawatan.

Walang ipinag-iba dahil pareho silang mga magnanakaw.  Langit at lupa nga lang ang estado ng mga magnanakaw na senador, kongresista’t miyembro ng Gabinete; at siyempre, ang nasa lupa, ang nasa pusali, ay ang nagnakaw ng bag sa loob ng fastfood, ang akyat-bahay, ang gabi-gabing holdaper sa pampasaherong jeepney at bus, at maging sa tricycle na hinaharang na ngayon pagsapit sa dilim makaraang umalis ng terminal.

Pareho silang magnanakaw, ang mga politiko at presidente; at ang kawatang purdoy.  Napakaraming seremonya para matunton at umpisahan ang paglilitis sa mga magnanakaw na politiko at pangulo.  Sa kawatang pobre ay wala.

Para sa mayayaman at makapangyarihan, may ritwal ng lista at lista-listahan.  Para sa arawang obrero, sa taumbayan, meron din silang lista at di ito lista-listahan.

Nilalaman ng kanilang lista ang pahirap na iginawad sa kanila bilang premyo sa pagboto sa Ikalawang Aquino, ang anak nina Ninoy at Cory.

Pangunahin sa mga lista ay ang makatotohanang ulat ng Philippine Institute for Development Studies, na mula sa kanilang malalim at malawak na pag-aaral.  Natunton ng PIDS ang dahilan kung bakit napakamahal na ng presyo ng bigas habang abalang-abala ang Malacanang kay Mam Janet ni Mar Roxas, na sinundo ni Edwin Lacierda at inihatid sa Camp Crame ni Pangulong Aquino.

Mahigit pa sa VIP (very important person) ang magnanakaw na ito ng pera ng taumbayan.  Kahapon ay P72 na bawat kilo ang pinakamataas na presyo ng bigas sa UP (Upper Pritil, sa Tondo, Maynila).

Sa mga uri ng bigas, ang “milled” ang mahal at napakamahal (talaga nga namang mahal ni Aquino ang kanyang mga boss, na hindi na niya ngayon binabanggit at ipinagpipilitang, “Kayo ang boss ko”).

Ayon sa PIDS, kakarampot ang angkat ng gobyerno sa kabila ng food self-sufficiency program nito.  Ang average world price ng milled rice ay patuloy ang pagbaba buwan-buwan, simula sa P23.24/kilo noong Enero hanggang P18.60 noong Disyembre.

Baligtad ang nangyari sa Pilipinas.  Simula P29.81, sumirit ito ng P34.16.  Noong 2013, ang National Food Authority, na mismong isinasangkot sa smuggling (susme!) ay umangkat lamang ng 205,700 tonelada, o kulang ng 638,000 tonelada sa inangkat noong 2012.

Bukod diyan, kitang-kita ang kamay ng makapangyarihang mga politiko na malapit sa kusina ng Malacanang, at kung paano nila maniobrahin ang napakarami at masalimuot na transaksyon para mapuno ang bulsa.

Iyan ang totoong lista.  Di mapasusubalian at di lista-listahan. Nariyan din ang lista ng serbisyo ng bulok na Department of Transportation and Communication, na ang alingasaw ay nagsimula sa panahon ni Roxas; at sa Land Transportation Office, na nagtulak nga para “magbitiw” ang pinuno nito na bukod sa malapit sa kusina ay kabarilan pa.

Marami pa rin ang mga sasakyang walang plaka at sa Metro Manila ay mas marami na sa kalahati ang mga walang plaka kung isasama ang motorsiklo.  Ang kapalpakang ito nina Roxas at Emilio Abaya ang pantulong pa sa mga kriminal para isagawa ang kanilang pagnanakaw at pamamaslang.

Kung di ba naman angat (kapag binaligtad ay tanga) ang nasa gobyerno ni Aquino, ang sinisi ay ang mga nakamotor.  Lahat ng nakamotor ang sinisisi.  Tama ang kanilang paninisi.  Dahil ang tanga ay hindi nag-iisip.  Teka, 2014 na ang taon.

Wala pa ring sticker ang mga plaka ng 2014, gayung matatapos na ang buwan ng Mayo.  Ang mga plaka at sticker ay bayad na, pero wala pa ring plaka at sticker ang mga nagbayad.  Iyan ang tuwid na daan.

Iyan ang tunay na lista at di lista-listahan. Tunay na lista rin, at di lista-listahan, ang 14 milyon na walang trabaho.  Pero, dedma lang sila sa Malacanang.  Bukod sa sanay sa dedmahan ay mapangutya pa.

“Buhay ka pa,” sabad ni Aquino sa biktima ng Yolanda na naglakas-loob na lumapit sa kanya sa pulong sa Tacloban at ilahad ang kalunus-lunos na sinapit.

Nariyan din ang walang galang at dignidad na turing sa mga namatay sa bagyong Yolanda, na hanggang ngayon ay tumatambad pa rin ang mga kalansay; at nakaiinsultong pinababa pa ang bilang at kinalimutan na ang tala sa huling bilang.

Tunay na lista rin at di lista-listahan ang napakaraming bilang ng di na makapag-aral sa kolehiyo.  Sa milyun-milyong nagtapos sa high school noong Marso, isang milyon na lang ang makatutuntong sa kolehiyo.

Ano ang gagawin ni Aquino sa milyun-milyong di makapag-aaral?  Sa milyun-milyong bagong mga tambay?
Nganga.  Matagal nang nasa listahan iyan, nganga.

Read more...