AYAW makipag-live in ni Katrina Halili sa tatay ng kanyang anak na si Kris Lawrence. Gusto raw kasi ng Kapuso actress na maging role model sa kanyang baby na si Katie na more than one year old na ngayon.
Sa presscon ng bago niyang teleserye sa GMA TeleBabad, ang Niño na pinagbibidahan ng future matinee idol ng Kapuso network na si Miguel Tanfelix at child star na si David Remo, sinabi ni Katrina na wala pa talaga silang planong magsama ni Kris sa iisan bubong kahit na nga may anak na sila.
“Siyempre, gusto ko kasal muna. Kahit na may baby na kami, kasi gusto ko namang kahit paano, maging magandang example ako sa anak ko.
Tsaka, promise, hindi ko pa talaga masasabi kung handa na akong magpakasal, kasi ang priority talaga namin ngayon yung baby,” chika ni Katrina na halos dalawang taong hindi napanood sa isang regular na soap opera.
Ang huli pa raw niyang serye ay ang My Beloved nina Marian Rivera at Dingdong Dantes. May chika na parang hindi raw maganda ang relasyon nila ngayon ni Kris, totoo ba ito? “Ganu’n naman talaga, di ba? Hindi mawawala ang mga ganyang balita. Basta, okay kami. ‘Yun na ‘yun.”
Samantala, for a change, mabait ang role ni Katrina sa Niño, gaganap siya bilang ina ni Niño (Miguel Tanfelix) na mawawala matapos mapatay ang asawang si Tom Rodriguez – ang sanggol ay mapupunta sa pangangalaga ng mag-asawang Angelu de Leon at Neil Ryan Sese. Lalaki si Niño na may sakit sa pag-iisip.
“Sabi ko nga kay direk Maryo (J. delos Reyes) nu’ng binabasa ko ‘yung script, ‘Direk, ako ba ‘to? Sigurado kang akin ang role ni Hannah?’ Sabi ni direk, ‘Oo, ikaw ‘yan!’ E, siyempre, aarte pa ba ‘ko? E, matagal ko nang pangarap ‘yung ganu’ng role. So, yun, keri ko naman palang maging mabait,” natatawang kuwento ni Katrina.
In fairness, sa trailer pa lang ng Niño, makikita na ang magandang objective nito – ang magpalaganap ng kabutihang asal at maka-inspire ng viewers, lalo na sa mga magulang na hindi magkaanak at doon sa mga may anak na mentally-challenged.
Tiyak daw na maaantig ang puso ng bawat manonood sa nasabing serye. Makakasama rin dito sina Gloria Romero, Dante Rivero, Jay Manalo, Luz Valdez, German Moreno, Ces Quesada, at ang mga GMA tween stars na sina Bianca Umali na siyang magiging ka-loveteam ni Miguel, Angeli Bayani, Julian Trono, Sandy Talag, Renz Valerio at Vincent Magbanua. Magsisimula na ito sa May 26, after 24 Oras sa GMA Telebabad.