PINAIGTING pa ni Nestor Colonia ang layuning na makalaro sa Asian Games sa Incheon Korea nang tapatan niya ang bronze medal record na kanyang naitala apat na taon na ang nakalipas kahapon sa isinasagawang 2014 Philippine National Games weightlifting competition sa Marikina Riverbanks.
Nagtala si Colonia ng 118 kg sa snatch at 153 kg sa clean and jerk tungo sa 271 kg total lift sa men’s 56-kg upang burahin din ang kanyang pambansang record na 116 kg, 148 kg at 264 kg na kanyang nairehistro sa 2012 PNG sa Dumaguete City.
Higit sa pagtala ng bagong national mark, ang 271 kg. total ni Colonia ay pantay na sa buhat ni Jadi Setiadi ng Indonesia (120 kg snatch, 151 kg. clean and jerk at 271 kg total) noong nanalo ito ng bronze medal sa Guangzhou Asian Games.
Mahigit din ito sa bronze medal tally sa Myanmar na ginawa ng local bet Pyae Phyo na 246 kg. (111 kg snatch at 135 kg clean and jerk).
( Photo credit to inquirer news service )