SA unang sampung taon ng Shakey’s V-League ay hindi kailanman nakarating sa Finals ang Far Eastern University Lady Tamaraws.
Sa totoo lang, marami pa rin ang nag-akalang hindi pa rin aabot sa Finals ang Lady Tamaraws sa first conference ng 11th season ng premyadong volleyball tournament ng bansa. Hindi naman kasi eye-popping ang line-up ng FEU.
Sa pagsisimula ng torneo, marami ang nagsabing malamang na magkaroon ng rematch ang Lady Eagles ng Ateneo at Lady Bulldogs ng National University.
Ang dalawang ito ang naglaban para sa kampeonato noong nakaraang taon kung saan nagtagumpay ang NU. Well, high ang hopes para sa Lady Eagles dahil sa nagkampeon sila sa UAAP kung saan tinalo nila sa Finals ang karibal na La Salle Lady Archers.
At mataas din ang pagtingin sa Lady Bulldogs dahil sa napakahusay ng line-up nito na pinangunguahan ng magkapatid na sina Dindin at Jaja Santiago.
Kagaya ng basketball, totoo din sa volleyball ang kasabihang height is might. Si Dindin ay may height na 6-2 samantalang si Jaja ay may height na 6-6.
Idinagdag pa sa kanilang line-up ang guest player na si Rubie de Leon, isa sa pangunahing setters ng bansa. At nagbalik din sa team ang libero na si Jen Reyes.
Pero somewhere along the way ay nagbago ang ihip ng hangin. Habang nagdire-diretso ang NU sa itaas ng elims, quarters at semis, nadiskaril naman ang Ateneo. Natalo ang Lady Eagles sa Davao selection at hindi nakarating sa semifinals.
Ito namang FEU ay nakapagpalakas dahil sa naidagdag sa line-up nito sina Racel Anne Daquis at Jovelyn Gonzaga na mga guest players.
Opo, guest player ang status ni Daquis dahil tapos na ang kanyang playing years sa FEU. Bilang regular player ng Lady Tamaraws ay hindi nga niya naihatid sa finals ang kanyang koponan.
Pero ngayong guest player siya, aba’y nakarating sila sa championship round! Matapos na matalo sa Adamson Lady Falcons sa Game One ng semis, humataw ang Lady Tamaraws at nagwagi sa sumunod na dalawang laro upang maselyuhan ang Finals berth at makaharap ang Lady Bulldogs.
Natural na dehado ang Lady Tamaraws pagpasok sa Finals pero noong Linggo ay hiniya ng FEU ang NU at nagwagi sila in straight sets sa Game One ng Finals.
Sa darating na Linggo, hangad ng Lady Tamaraws na maiuwi ang kauna-unahang titulo sa Shakey’s V-League. First time sa Finals at first time na magkakampeon!
Ganoon ba yun? papayag ba naman ang Lady Bulldogs? Tiyak na sasabog ang San Juan Arena sa Linggo. Magsisimula ang battle for third sa pagitan ng UST at Adamson sa ganap na 12:45 ng tanghali dahil “live” na ihahatid ng GMA News TV ang mga laro. Kita-kits tayo dun!