Mga Laro Bukas
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Air21 vs Rain or Shine
8 p.m. Global Port vs Barangay Ginebra
HINDI nakakita ng malinaw na butas patungo sa basket, naghanap ng magandang diskarte si Eric Wise para buhatin ang Barako Bull Energy sa panalo sa pagsisimula ng 2014 PBA PLDT Home Telpad Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nakakuha si Wise ng foul mula kay Meralco Bolts import Terrence Williams may 1.3 segundo ang nalalabi sa laro at nagbuslo ng split free throws para ihatid ang Barako Bull sa come-from-behind 95-94 pagwawagi.
Binura ng Energy ang 11-puntos na kalamangan ng Bolts sa huling bahagi ng laro mula sa pagtutulungan ng mga rookies na sina Jeric Fortuna at Carlo Lastimosa bago sumandal kay Wise, na anak ng dating PBA import na si Francois Wise na naglaro sa ilang koponan noong dekada 80, para makabangon.
“The last play was really intended for him (Wise). He’s not the most flashy and he might not have the best credentials, but he’s effective,’’ sabi ni Barako Bull coach Siot Tanquingcen.
Nagtala agad ng double-double figures sa first half, si Wise ay nagtapos na may 33 puntos, 16 rebounds at anim na assists sa 41 minutong paglalaro para sa Energy, na sinayang ang 21-puntos na kalamangan matapos ang halftime bago nagawang makapaghabol papasok sa mga huling minuto ng laro.
“Somehow, they (Bolts) really got hot. It rained threes,’’ sabi pa ni Tanquingcen. “Meralco made tough shots and I just kept on reminding them not to be discouraged.’’
Naghahabol sa iskor na 46-25, nagbuslo ang Bolts ng anim na 3-pointers sa ikatlong yugto na nagbuhat kina Williams, Sunday Salvacion, Gary David at Cliff Hodge para maagaw ang abante.
Bagamat nakalamang ang Bolts sa 86-75, binura naman ito ng Energy sa pagtutulungan nina Lastimosa, Fortuna at JC Intal.
Si Fortuna ay gumawa ng 13 puntos, kabilang ang isang pares ng tres sa kanilang huling ratsada habang si Lastimosa ay nagtala ng 10 puntos, ang anim dito sa matinding arangkada ng Barako Bull.
“It’s good we started with a win but it’s still a long journey. There will be ups and downs along the way,’’ dagdag pa ni Tanquingcen.
May pagkakataon sana ang Bolts na mabago ang resulta ng laro subalit si Williams, isang first-round draft pick ng New Jersey Nets noong 2009, ay nawala sa tamang diskarte sa pagtatapos ng laban.
Sa ikalawang laro, tinalo ng Alaska Aces ang San Miguel Beermen, 94-87, para balewalain ang matinding opensiba mula kay Reggie Williams.
Si Williams ay gumawa ng 42 puntos kabilang ang pitong 3-pointers para sa Beermen subalit nasayang ito matapos silang bokyain sa puntusan ng Aces sa huling 4:44 ng laro.
Si William Walker ay nagtala ng 27 puntos, 13 rebounds at siyam na assists para pamunuan ang Aces.