TATLONG buwan hanggang 20 taon pagkakulong ang parusa sa mga mahuhuling senglot o sabog na mga driver simula sa Hunyo.
Ito ang laman nang napakahigpit na IRR ng Anti- Drunk and Drugged driving Act (RA 10586) na ipinalabas ng DOTC at LTO. Ang alcohol limit natin na 0.05 ay singhigpit sa Australia, Malaysia at Thailand. Pero mas maluwag sa Amerika at Great Britain na 0.08, habang superhigpit naman kung ikukumpara sa Saudi Arabia, UAE at Indonesia sa 0.00, na siya namang alcohol limit sa mga public utility drivers natin sa bus, jeepney o taxi.
Napakagandang batas nito kung tutuusin at bagay na lang na dapat ipatupad nang masinsinan dahil sa napakaraming mga namatay sa mga aksidente dahil sa mga lasing, durog o bangag na mga driver.
Dito sa Metro Manila, 238 na banggaan ang nagaganap araw-araw o kabuuang 86,505 na kaso nitong nakaraang taon.
Pero, sa isang banda, ibinilad nito ang napakalakas na impluwensya ng mga kumpanya ng alak sa ating Kongreso at Malakanyang na kilalang mga campaign contributors sa mga halalan. Sigurado akong maraming mga mambabatas ang kumita rito.
Pero, kailangang magkaroon ng malawakang information campaign ang DOTC. LTO. MMDA upang maliwanagan ang mamamayan tungkol sa bawat aspeto ng regulasyong ito.
Kailangang malaman ng mga tsuper na di pwedeng “excuse” na isang bote lang ng beer dahil may 0.08 alcohol content sa dugo. Kailangang malaman din ang tamang panghuhuli ng mga otoridad para magkaliwanagan.
Isyu rin ang implementasyon dahil pwedeng gawing pagkakataon ng mga traffic enforcers na mangotong o magdilihensya sa mga motorista.
Tatlong field sobriety tests ang itinakda: Una sa mata, paglakad at pagtayo sa isang paa ang gagawin bago isailalim sa breathalyzer analysis ang mga huhulihin.
Dapat ay kumpletuhin muna ang pasilidad ng MMDA, LTO at PNP traffic officers bago manghuli ng lasing o sabog na driver. Kung maari lang, lahat ng mga otoridad na mayroong breathalyzers ay meron ding mga body-worn camera o built-in camera sa kanilang mga sasakyan para i-record ang mga mangyayaring field tests. Ito’y para makita natin kung may violation talaga ang hinuhuli o abusado naman ang mga nanghuhuli.
Kapag ipinatupad ito, maraming buhay ang maliligtas. Marami ring lasenggo at addict na driver ang mawawalan ng lisensya.
Pero sana naman, hindi lang iyong puro mahihirap na tsuper na hindi kayang magbayad ng abugado, ang makakasuhan dito; sana lahat ng lumabag — pantay-pantay, may koneksyon o wala.
At sana magbago nang tuluyan ang mga drinking habits nating mga Pilipino. Okey lang magpakalunod ka sa alak pero huwag kang hahawak ng manibela.