Ikaw Lamang balik sa pagiging no. 1; Dyesebel, Mirabella di pa rin mapatumba


Ang dalawang proyekto pa rin ng Dreamscape Entertainment sa ABS-CBN ang mahigpit na naglalaban sa pagiging number one primetime series sa buong bansa – ang Ikaw Lamang nina Coco Martin at Kim Chiu at ang Dyesebel ni Anne Curtis.

Noong nakaraang Huwebes, base sa latest survey ng Kantar/TNS, ang master seryeng Ikaw Lamang muli ang nag-number one sa ratings game na nakakuha ng 30.9% habang ang kalaban naman nitong Carmela ni Marian Rivera sa GMA ay nakapagtala ng 14.7%.

Ito yung episode kung saan napakaraming pasabog ng serye, kabilang na ang sabay na pagbubuntis ng mga karakter nina Kim at Julia Montes at ang madramang pagtatagpo ng tunay na mag-ama sa kuwento na sina Coco at Tirso Cruz III.

In fairness, nakakaiyak ang eksenang yun, ramdam na ramdam ng manonood ang pigil na pigil na emosyon ng mag-ama, yung gustung-gusto na nilang magyakapan matapos ang mahabang panahon nang pagtatago ng katotohanan.

Ang sakit-sakit ng iyak ni Coco habang nakikiusap siya kay Tirso na tulungan siyang mabigyan ng hustisya ang ginawa sa kanya nina Jake Cuenca, John Estrada at Ronaldo Valdez.

Samantala, ngayong linggo sa Ikaw Lamang, muling magkukrus ang landas nina Samuel (Coco) at Isabelle (Kim) kasama ang asawa nitong si Franco (Jake). Paano nila haharapin ang isa’t isa.

May masamang balak na naman si Franco laban kay Samuel.  Abangan din ang muling paghahasik ng kasamaan ni Maximo (Ronaldo) kahit nasa loob na ito ng kulungan.

Pero sa teaser ng serye, mukhang makakagawa na ito ng paraan para makalaya agad. Samantala, muling pumangalawa sa ratings game ang Dyesebel na nakakuha ng 29.9% habang  nananatiling nasa ikalimang pwesto ang isa pang serye ng Dreamscape, ang Mirabella nina Julia Barretto at Enrique Gil na nakapagtala ng 19.5%.

( Photo credit to ikaw lamang official fanpage )

Read more...