Sam mas gusto pa rin ng fans para kay Anne, ayaw kay Erwan


NANGHIHINAYANG ang mga kaibigan at kasamahan namin sa industriya na hindi napuno ni Anne Curtis ang Araneta Coliseum sa katatapos nitong concert noong Biyernes – umabot lang daw sa 60 to 70% ang audience.

Ang ganda pa naman daw ng production numbers ni Anne na Cirque du Soleil inspired na idinirek ng choreographer na si Georcelle Dapat-Sy, talagang buwis buhay ang ginawa ng bida ng Dyesebel, “Hindi biro ang mga ginawa niyang pasiirko-sirko ha, nakakapraning ‘yun!” sabi sa amin.

Samantala, balitang namigay daw ng tickets ang Viva Concerts ng malamang mahina ang benta ng show ni Anne two days before.

Kuwento mismo sa amin ng mga nakatanggap ng patron tickets, “It’s a miracle kasi usually, papalista ka lang para sa production pass, e, biglang namigay ang Viva ng patron tickets at ang dami, huh?”

At para mapatunayan namin, dahil nasa Cubao na rin lang kami ng bandang 5 to 7 p.m. noong Biyernes (hinihintay namin matapos ang karate class ng anak naming si Patchot) kaya nagtsek kami sa ticketnet ng Araneta, walang taong bumibili ng sandaling iyon at nagtanong kami kung kumusta ang ticket selling at ang sagot sa amin, “okay lang.”

At nu’ng tinanong namin kung ilang percent na ang nabenta ay sinungitan kami ng takilyera, “Ay hindi kami nagbibigay kung ilan na.”

Hindi na napuno ni Anne ang Araneta tulad ng ginawa niya sa unang concert niyang “Annebisyosa” noong 2012. Say ng mga nakapanood, “Ang novelty ng isang non-singer na nag-concert ay pang one time lang, hindi na dapat sinusundan, novelty nga, eh.”

Parang hindi naman kami pabor dahil marami namang novelty singers ang paulit-ulit ng nagso-show ay full pack pa rin, baka lang sadyang nagtitipid na ang mga tao dahil bayaran na naman ng tuition, di kaya bossing Ervin?

Samantala, nanood pala ang supladong boyfriend ni Anne na si Erwan Heussaff at nagkataon na naroon din ang ex-boyfriend nitong si Sam Milby na tinawag ni Billy Crawford sa stage kaya tilian at hiyawan ang audience habang nakatingin lang ang present dyowa ni Dyesebel.

Tsika ng mga nakapanood, nagbibiro raw si Billy kay Anne na siya si Sam habang kumakanta ng “Only You”, e, hindi raw alam ng TV host na nasa audience talaga ang aktor kaya hiyawan ang mga tao at pinaakyat siya sa stage kaya mas lalong nagtilian ang lahat.

Kaya balik-tanong namin sa nagkuwento, ano ang naging reaksyon ni Erwan na sinisipat-sipat din siya ng mga tao, “Wala lang,” say sa amin.

( Photo credit to anne curtis official fanpagr )

Read more...