HINDI rin kinaya ng powers ni Justice Secretary Leila De Lima ang pressure ng taumbayan kaya’t napilitan na rin siyang ilabas ang listahan ng mga mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno na umano’y sangkot sa pork barrel scam.
Nitong nakaraang Huwebes, inilabas na sa media ang listahan kung saan tinatayang 12 aktibo at dating mga senador, kasama ang mahigit 70 kongresista ang idinawit ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles sa kanyang pinirmahang affidavit.
Tatlo rin sa miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino ang idinawit ni Napoles sa pork barrel scam — sina Budget Secretary Florencio “Butch” Abad, Agriculture Secretary Proceso Alcala at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva
Hindi ba’t noon pa man ay madalas nang naidadawit ang pangalan ng tatlong ito, pero dahil nga sa talagang malakas ang kanilang kapit sa Malacanang, parati na lang silang naipagtatanggol at nakakalusot.
Pirmado ni Napoles ang isang pahinang listahan na ayon mismo kay De Lima ay parte ng affidavit na pinirmahan nito nang bisitahin niya sa Ospital ng Makati.
Isa-isa namang naglabas ng mga pahayag ang mga senador, mambabatas at ang tatlong kalihim para itanggi ang akusasyon laban sa kanila.
Dumipensa maging si PNoy kina Abad, Alcala at Villanueva sa pagsasabing hindi niya sisibakin ang tatlo sa kabila ng pagkakasama ng kanilang pangalan sa listahan ni Napoles.
At sadya naman yatang makapal din ang mukha ng tatlo dahil alam nilang kinakampihan sila ni PNoy kaya ayaw din magbitiw sa puwesto. Hindi na rin alam ang salitang “delicadeza”.
Sa pagtatanggol ni Pangulong Aquino sa tatlong opisyal, hindi tuloy maiwasang isipin ng publiko na namimili lamang ang administrasyon nito sa kung sino lang ang gustong kasuhan sa pork barrel scam.
Kung wala talagang sinasanto ang gobyerno, dapat kasuhan na rin maging ang mga kaalyadong isinasangkot sa pork barrel scam at hindi lamang isentro ang paghahain ng kaso sa tatlong senador na naunang sinampahan ng plunder.
Sa paglabas ng listahan ng mga mambabatas na umano’y nambulsa ng kanilang pork barrel, hindi rin maiiwasang magalit ng ordinaryong mamamayan na sa kabila pala ng limitadong pondo ng gobyerno, imbes na sa mga kinakailangang proyekto napupunta ang mga ito, ay pinaghahati-hatian lamang ng iilang tao.
Sa tagal ng pagbusisi sa budget taun-taon, nauuwi lamang pala sa wala ang napakalaking pondo dahil sa mga buwayang ito!
Kung noon ay sanay na ang publiko na marinig ang tongpats, o ang pagkakaroon ng komisyon ng mga pulitiko at opisyal ng gobyerno sa bawat proyekto ng pamahalaan, ngayon ay lumalabas na wala palang pinatutunguhan na maganda ni singko sa pondong inilalaan para sa pork barrel ng mga mambabatas.
Hindi kataka-taka na patuloy pa ring marami ang naghihirap at nagugutom, mga walang trabaho sa bansa dahil iilan lamang ang nakikinabang sa bilyong-bilyong pondo na inilaan ng gobyerno.
Sa pangyayaring ito, iisa na lamang ang nais ng mga mamamayan, katarungan para sa lahat, mapanagot ang lahat ng nakinabang sa limitadong pondo ng bayan at walang sasantuhin maging ang mga kapanalig ng administrasyon.