Pinoy tracksters mapapalaban vs Fil-Ams sa PH Nat’l Games

MAPAPALABAN ang mga local tracksters sa mahuhusay na Fil-Americans at dayuhang runners na kasali sa athletics competition ng 2014 Philippine National Games mula ngayon sa bagong gawang Philsports Oval sa Pasig City.

Ang Southeast Asian Games gold medalist sa 400m hurdles na si Eric Cray ay makakasama nina Tyler Ruiz, Donovant Grant Ariola at Princess Joy Griffey na mga sinasabing palaban sa gintong medalya at posibleng makapagtala ng bagong record sa mga sasalihang events.

Si Cray ng El Paso, Texas, USA ay patok sa hurdles dahil siya ang may best time na 50.46 segundo sa mga sasali.

Pero ang mata ay nakatuon sa pagtakbo niya sa 100-meter run dahil pagsisikapan din niya na basagin ang 2007 national record sa distansya ni Ralph Waldy Soguilon na 10.45 segundo.

Si Ruiz ng Los Angeles ay nakasali sa Myanmar SEA Games pero tumapos lamang sa pang-apat sa high jump ay magsisikap na pantayan ang kasalukuyang national record na 2.17m.

Si Griffey, na anak ni dating national junior sprinter Leah Nolido at ipinanganak sa Bacolod City pero lumaki sa Washington, ay walang katalo-talo sa 100m at 200m dash sa kababaihan dahil sa kanyang best time na 11.62 at 23.93 ngayong taon.

Ang mga oras na ito ay mas mabilis sa 11.85 at 24.02 na ginawa ni SEA Games silver medalist Neeranuch Klomdee ng Thailand.

Si Ariola na tulad ni Cray ay galing sa El Paso, Texas, ang makakalaban ni SEA Games long jump gold medalist Henry Dagmil.

May personal best ang 22-anyos na si Ariola na 7.53 meters na ginawa noong nakaraang taon at ang marka ay pumantay sa SEAG bronze medal performance ni Phan Van Lam ng Vietnam.

Si Dagmil ay nakapagtala ng 7.80m para sa ikatlong ginto sa SEAG. Kampeon si Dagmil sa paboritong event noong 2005 at 2007.

May mga runners ding ipinadala ang Singapore at Malaysia para pagandahin ang kompetisyon na isa sa 54 sports na isasagawa sa PNG na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC) at National Sports Associations (NSAs).

Sina PSC chairman Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. ang nanguna sa simpleng opening ceremony kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Maynila.

Read more...