4th PH Nat’l Games lalarga sa Mayo 16

MAGKAKAROON uli ng pagkakataon ang mga atleta mula sa probinsya na maipakita ang kalidad ng laro laban sa mga kasapi ng national team sa paglarga ng 4th Philippine National Games (PNG) sa Mayo 16-25 sa Metro Manila.

Pormal na inilunsad kahapon ang PNG na proyekto ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC) at mga National Sports Associations (NSAs), sa PSC conference room at lalabas ito bilang pinakamalaki kung bilang ng sports at kalahok ang pag-uusapan.

“When we started the PNG four years ago, we only had 34 sports, 220 Local Government Units and 2,500 athletes. Now we have 54 sports, 436 LGUs and clubs while the number of participants as of today is 2,400. I expect the number to reach 7,000,” wika ni PSC commissioner Jolly Gomez na nakasama sina PSC chairman Ricardo Garcia, POC secretary-general Steve Hontiveros at mga Philspada officials Mike Barredo at Louie Arellano.

Ang National Games ng Philspada ay isinama na rin sa PNG para mabigyan din ng pagkakataon ang mga differently-abled athletes na maipakita ang kanilang mga laro sa publiko. Sampung regular events at tatlong demon  stration events ang gagawin ng Philspada.

Sesentro rin ang siyam  na araw na kompetisyon sa ipakikita ng mga national athletes lalo na ang mga nasa priority list dahil tiniyak ni Garcia na may nakaambang kaparusahan tulad ng demotion o matanggal sa listahan ang mga atletang kasama sa talaan na matatalo sa kanilang event.

“Binibigyan sila ng PSC ng P40,000 a month para magsanay nang magsanay. Kung hindi sila mananalo rito, puwede silang tanggalin sa listahan. Ang mga mananalo naman o iyong mga makakasira ng national records ay maipapadala sa 2015 SEA Games sa Singapore,” paliwanag ni Garcia.

Sasali ang Pilipinas sa Asian Games sa Incheon, South Korea sa Setyembre pero hindi makakapasok sa delegasyon ang mga gagawa ng bagong records o magiging impresibo sa kanilang mga events dahil noon pang Abril 30 ang deadline para sa accreditation ng magiging kasapi ng pambansang koponan na itinakda ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC).

Read more...