Clippers, Pacers lusot sa Thunder, Wizards

LOS ANGELES — Kinamada ni Darren Collison ang walo sa kanyang 18 puntos sa huling 2:58 ng laro para tulungan ang Los Angeles Clippers na talunin ang Oklahoma City Thunder, 101-99, kahapon at itabla ang kanilang NBA Western Conference semifinal series sa 2-2.

Si Russell Westbrook, na umiskor ng 27 puntos, ay sumablay sa kanyang 3-pointer habang kinapos naman ang tip-in ni Serge Ibaka sa pagtunog ng buzzer para maitakas ng Clippers ang panalo sa laro kung saan naghabol sila hanggang sa huling 1:23 ng laro.

Pinangunahan ni Blake Griffin ang Los Angeles sa  ginawang 25 puntos, kabilang ang 9 of 11 free throws, habang si Chris Paul ay nag-ambag ng 23 puntos at 10 assists. Si Jamal Crawford ay nagdagdag ng 18 puntos. Si DeAndre Jordan ay humablot ng 14 rebounds para tulungan ang Clippers na mamayagpag sa boards, 45-43. Ito rin ang unang pagkakataon sa 11 playoff games na na-outrebound ang Thunder.

Ito naman ang ika-14 na comeback win ng Clippers ngayong season matapos maghabol sa double digits na iskor.
Gumawa naman si Kevin Durant ng 40 puntos, kabilang ang 15 of 18 free throws, para pamunuan ang Thunder.

Ang Game 5 ay gaganapin bukas sa Oklahoma City.

Pacers 95, Wizards 92
Umiskor si Paul George ng career playoff-high 39 puntos at humakot ng 12 rebounds para pangunahan ang Indiana Pacers na maungusan ang Washington Wizards at makalapit sa isang panalo para makabalik sa Eastern Conference finals.

Ang Pacers ay angat sa kanilang second-round series, 3-1, at posibleng tapusin na ang kanilang serye bukas sa pag-host ng Game 5.

Naglaro si George ng 46 minuto at kumamada siya ng 28 puntos matapos ang halftime, kabilang ang pagtira ng anim sa kanyang franchise playoff-record-tying na pitong 3-pointers.

Si Roy Hibbert ay nagdagdag ng 17 puntos at siyam na rebounds para sa Pacers.

Tinulungan din ni Hibbert ang Indiana na mabalewala ang 32-2 kalamangan ng Washington sa bench scoring.

Ito ay matapos na gumawa sina Al Harrington, Drew Gooden at Andre Miller ng pinagsanib na 28 puntos, 13 rebounds at anim na assists para sa Wizards.

Read more...