HALOS dumoble ang Pay Per View (PPV) buys sa laban ni Manny Pacquiao at Timothy Bradley Jr. kumpara noong hinarap ng Pambansang Kamao si Brandon Rios.
Pero hindi ito nangangahulugan na nanumbalik na ang dating magandang hatak sa manonood ni Pacman.
Kinumpirma ni Top Rank CEO Bob Arum na nasa 750,000 hanggang 800,000 ang PPV buys sa rematch nina Pacquiao at Bradley na ginawa sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
“Sure it’s a disappointment,” wika ni Arum sa panayam ni Dan Rafael ng ESPN.
“I’m telling you, it is what it is. The numbers are the numbers,” dagdag nito.
Noong unang nagkasukatan sina Pacquiao at Bradley noong Hunyo 2012 ay umabot sa 890,000 ang PPV buys.
Natalo si Pacman sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision para maisuko ang World Boxing Organization welterweight title.
Bago ang ikalawang pagkikita, kinalaban muna ng Kongresista ng Sarangani Province si Rios na ginawa sa Cotai Arena sa Macau, China noong nakaraang Nobyembre at pumalo ang PPV sa mahinang 475,000 lamang.
Ikinatuwiran ni Arum noon na nakaapekto ang pagsasagawa ng laban sa Macau dahil hindi ito nabigyan ng media mileage sa US at ang kalaban na si Rios ay hindi matunog na pangalan.
Mataas ang kumpiyansa ng Top Rank na aangat ang PPV noong kinuha si Bradley dahil may drama ang bakbakan at ito ay ibinalik sa US. — Mike Lee
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.