Nagkamali ng akala ang mga walang budhing nag-upload ng nasabing sex video, ang akala kasi ng mga ito ay parang pagong nang magtatago ng kanyang ulo si Janelle nang dahil du’n, pero kabaligtaran ng kanilang inaasahan ang nangyari.
Mas tumapang pa ngayon ang dalaga, mas nagasolinahan pa ang kanyang kagustuhang maparusahan ang mga taong nagplano-pumatay sa kanyang karelasyon, isang senaryong malapit na ring tumapos sa kanyang buhay.
Tama lang ang ginagawa ni Janelle, huwag siyang magpapadala sa mga ganu’ng taktika, hindi siya dapat panghinaan ng loob na mas makipagpukpukan pa sa laban para sa kanilang kapakanan ni Ramgen.
‘Yun ang gustong mangyari ng mga nambubulabog sa kanya ngayon, ang malihis ang isyu, ang mas mapagtuunan ang sex video kesa sa pagtunton kung sino talaga ang pumatay kay Ramgen at bumaril sa kanya.
Positibo ang kampo ni Janelle na panahon na lang ang kailangan nilang hintayin para mabigyan ng katarungan ang nangyari sa kanila ni Ramgen. Siguradong darating ‘yun, pero kailangan lang nilang maghintay pa, pero nasa kanila ang huling halakhak.
Kundi namin gagamitan ng salitang karimarimarim ang paglalabas ng sex video nina Ramgen at Janelle ay wala na kaming alam na ibang salita na sasapat sa kawalan ng kunsensiya ng kung sinumang naglantad nu’n sa publiko.
Sila ang nakapandidiri at hindi ang inilabas nilang sex video.