Mataas na talent fee ni Daniel sulit na sulit, walang kaarte-arte


Tuwang-tuwa ang mga nang-imbita nu’ng minsan kay Daniel Padilla para magpasaya ng kanilang mga kababayan sa fiesta sa isang probinsiya. Napakalayo raw ng ugali ni DJ kumpara sa marami nang artistang dumating du’n para mag-show.

Komento ng isang nakausap naming kaibigan, “Bakit ganu’n? Kung sino pa ang inaasahan mong mag-iinarte at magmamaangas dahil may karapatan naman, e, ‘yun pa ang matino at hindi pala poproblemahin ng isang promoter?

“Grabe ang pagiging down to earth ni Daniel Padilla, mamahalin mo pala naman talaga ang batang ‘yun dahil napakabait at napakasimple.

Hindi mo siya iintindihin, siya mismo ang gumagawa ng paraan para maging magaan ang lahat, siya pa rin ang gusto naming kuning performer sa susunod,” kumpisal ng aming kausap.

Marami na kasi silang nakaengkuwentrong artistang wala pa namang gaanong pangalan, pero pagkaaangas na, kung ano-ano ang hinahanap at hinihingi sa komiteng nag-imbita sa kanila.

“Paid sila, ha? Bayad ang performance at ang panahon nila, kaya tumigil-tigil nga ang ibang mga personalities diyan na kung makapag-inarte, e, wala na sa hulog?

“Mag-inarte ba nang wala sa tiyempo? Si Daniel Padilla ang gayahin nila, sikat na sikat na ‘yung bata, pero kahit konting problema, e, hindi ka niya bibigyan! Professional siya, mabait, simple, siya na talaga!” pahayag pa rin ng aming kaibigang promoter ng mga shows sa probinsiya.

Nagkaroon pala sila ng hindi kagandahang karanasan sa isang hunk actor na wala pa ngang napatutunayang kahit ano ay akala mo na kung sinong pumorma at humingi ng kung ano-ano.

Sabi ng aming kausap, “Ay, maangas talaga ang isang ‘yun! Pero may X na siya sa listahan namin, wala nang iimporta  sa kanya sa mga fiesta dahil isa siyang malaking Fabby, as in, pabigat!

“Magbaba man siya ng presyo ngayon, ilaglag man niya ang TF niya, e, kantahan na lang niya nang sintunado ang sarili niya. May X na talaga siya sa listahan namin,” napapailing pang kuwento ng aming kausap.

Mataas man ang talent fee ni Daniel Padilla ay sulit na sulit naman ‘yun dahil siya ang pinakasikat na young actor ngayon at wala pang pinoproblema sa kanya ang mga show promoters. Spell breeding and upbringing.

( bandera.ph file photo )

Read more...