SPECIAL treatment ang sumisigaw na mensahe sa taumbayan ng alisin ng Ombudsman si Ruby Tuason sa kasong plunder na isasampa kaugnay ng P10-B PDAF scam.
Nagsoli si Tuason ng P40M sa gobyerno, ito raw ang halaga nang na-kickback niya mula sa pork barrel. Bilang kapalit, inalis siya sa listahan ng mga respondents sa plunder sa kundisyong paninindigan niya ang kanyang sinumpaang salaysay laban kina Mrs. Napoles, Senador Juan Ponce Enrile, Gigi Reyes at Jinggoy Estrada.
Pero, tanong ko naman bakit hindi naunang binigyan ng immunity sina Benhur Luy na siyang star witness dito, sampu ng iba pang whistleblowers?
Paliwanag ni Asst Ombudsman Asryman Rafanan, hindi lang daw ang isinoling pera ang kinunsidera rito, kundi pati ang lakas ng ibinulgar ni Mrs Tuason. Pero, hindi ba’t mas malakas ang testimonya nina Luy? Kaya lang, wala silang perang isosoli.
Isipin ninyo, hindi pa naisasampa sa Sandiganbayan ang kasong plunder at tanging “probable cause” lamang ang “findings” ng Ombudsman, pero “immune” o libre na agad sa kaso si Mrs. Tuason. Nauna pa kina Luy, Lunas at iba pa.
Sa masa, mabigat ang mensaheng binibigay nito. Mukhang pera ang Ombudsman at ang hustisya natin ay mas pabor sa mga mayayaman kaysa mahihirap.
Tingnan na lamang ang nangyayari. Si Mrs. Napoles ay maghihigit isang buwan na sa ospital. Si PGMA nasa Veterans Hospital pa rin. Si ERC chairwoman Zenaida Ducut ay kasama sa probable cause ng Ombudsman dahil sa pangungumisyon sa PDAF scam. Pero, di pa sinisibak ng Malakanyang sa pwesto. Si Al Vitangcol ng MRT, bagamat tinukoy na sa affidavit ng Czech Ambassador na siya’y sangkot sa extortion sa Inekon, di pa rin sinisibak.
Maging si Cedric Lee ay naroon sa NBI detention center imbes na sa Taguig city jail. Marami pang high profile fugitives ang hindi mahuli at hindi malagay sa mga regular na kulungan.
Ang mga akusadong katulad ni Mrs. Tuason na nagnakaw ng pera ng bayan ay magsosoli lang ng milyun-milyong pisong halaga kasama ang pangakong siya’y kakanta ay malilibre na sa kulong at kanya muli ang kanyang ari-arian.
Nabaluktot na yata ang batas, di ba? Parang sa kaso ni AFP gen. Carlos Garcia na nag-plea bargain agreement at nagsoli rin ng pera at humina ang kaso.
Ano kaya kung magsoli rin ang mga holdaper ng nga ninakaw nilang cellphones; o mga akyat bahay na magsoli naman ng kinulimbat nilang cash at laptops? Malilibre din kaya sila sa kaso? Malamang salvage pag mahirap.
Siyempre, maraming legal na paliwanag ang maririnig natin sa mga abugado, DOJ at Korte na tama daw ang Ombudsman. Maririnig natin na kailangang palayain si Mrs. Tuason para matiyak ang panalo ng gobyerno sa kaso.
Ito nga po ang pinakamalaking problema sa gobyerno natin. Nawawala na ang common sense sa mga desisyon sa pag-aakalang maloloko nila ang taumbayan. Hindi po gago ang sambayanang pilipino sa “immunity” na regalo ninyo sa socialite at mangungulimbat na si Mrs. Tuason.