3 PINOY BOXERS PASOK SA FINALS

TINALO nina flyweight Ian Clark Bautista, bantamweight Mario Fernandez at women’s light-weight Nesthy Petecio ang mga nakasagupa sa semifinals para umabot sa final round ng idinadaos na Lion’s Cup sa Sugathadasa Indoor Arena sa MBO, Sri Lanka.

Nangibabaw ang husay ni Bautista laban sa host boxer na si PD Suresh habang si Fernandez ay gumamit ng bilis para manalo sa isa pang Sri Lankan boxer na si Manju Wanniarchchi.

Sunod na makakalaban ni Bautista ang nagbabalik na Sri Lankan fighter na si Anuruda Rathnayake.

Si Rathnayake ay naging coach ng kanilang women’s boxing team at dalawang beses na nagpunta sa Pilipinas bilang coach kasama ang hawak na boxers para makipag-ensayo sa Philippine boxing team.

Pero nagdesisyon ito na isuot uli ang boxing gloves nang itaas ng AIBA ang retirement age hanggang 40.

Naipakita ni Rathnayake na taglay pa nito ang mabangis na kamao sa isang second-round KO panalo laban sa isang Kenyan boxer.

Makakasagupa naman ni Fernandez si Yu Che-Li ng Chinese Taipei.

Nagtala ng decision win ang 21-anyos na si Petecio laban kay Chia Ling Chen ng Chinese Taipei para makatunggali si Tassamalee Thongjan ng Thailand.

Si Thongjan ang siyang tinalo ni Petecio sa semifinals sa Myanmar Southeast Asian Games.

Hindi naman pinalad ang dating 2011 World junior champion na si Eumir Felix Marcial nang natalo ito kay Okwin Raytow Nduku sa unanimous decision.

Itinuturing na masamang decision ito ni team manager at head coach Pat Gaspi dahil dominado umano ni Marcial ang unang dalawang rounds.

Ang referee, na siya ring nagbigay ng kontrobersyal na split decision pagkatalo ni Irish Magno kay Sopida Saturnam ng Thailand, ang siyang nag-officiate sa laban.

Tulad ng ginawa kay Magno, binigyan ng referee ng point-deduction si Marcial ilang minuto bago natapos ang laban para makontento ang Filipino boxer sa tansong medalya.

Umabot sa 60 boxers mula sa 11 bansa ang kasali sa kompetisyon kabilang ang isa pang Pinoy na si light flyweight Rogen Ladon na maagang nalaglag.

Read more...