Talk ‘N Text handang walisin ang Rain or Shine

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Talk ‘N Text vs Rain or Shine
LUBHANG pinapaboran ang Talk ‘N Text na makumpleto ang pagwawalis sa Rain or Shine sa Game Three ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Nakaulit ang Tropang Texters sa Elasto Painters, 94-87, sa Game Two noong Miyerkules at nangangailangan na lang ng isa pang panalo upang dumiretso sa Finals. Nagwagi sila sa Game One, 91-85.

Ito ang ika-12 sunod na panalo ng mga bata ni coach Norman Black na hindi pa nakakatikim ng kabiguan sa naturang torneo.

“We have a goal in mind and that is to reach the championship. We’ll try to finish this in Game Three,” ani Black.

Kung sa papel ang basehan ay tila madali nga ang misyon ng Talk ‘N Text. Ito’y bunga ng pangyayaring hindi nakapaglalaro sina JR Quinahan, Chris Tiu at Jervy Cruz para sa Rain or Shine.

Idagdag pa rito ang pangyayaring bumagsak ang import na si Devon Wayne Chism may 5:11 ang nalalabi sa ikalawang yugto ng Game Two at hindi na nakapaglaro pa. Sinusuri siya kung mayroong MCL injury subalit sinabi naman niyang handa siyang maglaro kung sakali.

Kahit pa hindi na nagamit si Chism ay nakapagbigay pa rin ng magandang laban ang Elasto Painters at lumamang, 69-65, sa simula ng ikaapat na yugto.

Subalit nagtulong sina  Jimmy Alapag, Ranidel de Ocampo at Jason Castro upang makaabante at makontrol ng Tropang Texters ang laro kahit pa na-disqualify sa fouls ang import na si Richard Howell may apat na minuto pa ang nalalabi sa laro. Si Howell ay nagtapos na may 12 puntos at 11 rebounds.

Alam ni Black na nasa kanila ng bentahe ngunit hindi nila puwedeng maliitin ang Elasto Painters.

“They are always a tough team. We have to stand our ground and remain focused,” ani Black.
Ang kampanya ng Rain or Shine ay papasanin nina Jeff Chan, Paul Lee, Gabe Norwood, Beau Belga at Ryan Araña.

Ang Talk ‘N Text, na nangangailangan ng isang panalo upang mapantayan ang pinakamahabang winning streak ng prangkisa, ay sasandig din kina Kelly Williams, Larry Fonacier, Ryan Reyes at Niño Canaleta.

Read more...