San Mig, Air21 sisimulan ang best-of-five semis duel


Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
8 p.m. San Mig Coffee  vs Air21

PATULOY na hahabulin ng San Mig Coffee ang ikatlong sunod na kampeonato samantalang pinakamataas na placing sa kasaysayan ng prangkisa ang nais ng Air21 sa kanilang pagkikita sa Game One ng best-of-five semifinal round ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-8 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sa ilalim ni coach Tim Cone ay napanalunan ng Mixers ang kampeonato ng nakaraang Governors’ Cup at Philippine Cup. Ang Express na hawak ni coach Franz Pumaren ay nasa semifinals sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng prangkisa ng Shopinas.

Ang Air21 ang ikalawang semifinalist ng torneo matapos na unang pumasok ang Talk ‘N Text. Pumangpito ang Express sa elims at kinailangang talunin nila ng dalawang beses ang second seed San Miguel Beer.

Dinaig nila ang Beermen sa Game One, 92-79, at nakaulit noong Biyernes sa double overtime, 101-95. Natalo naman ang San Mig Coffee sa Game One ng best-of-three quarterfinals kontra defending champion Alaska Milk, 94-77.

Subalit naitabla nila ang serye nang manalo sa Game Two, 70-54. Noong Sabado ay tinapos nila ang paghahari ng Alaska Milk, 79-65. Sa kanilang tanging pagkikita sa elimination round noong Abril 9 ay dinaig ng San Mig Coffee ang Air21, 97-84.

Sa larong iyon ay lumamang ang Mixers ng 15 puntos, 77-62, sa pagtatapos ng ikatlong yugto. Naipagpatuloy naman ng San Mig Coffee ang magandang ginagawa nito at hindi nito hinayaang makabalik ang Express upang manalo.

Pinangunahan ni James Mays ang Mixers sa larong iyon nang magtala siya ng 23 puntos. Subalit mas marami ang ginawa ni Wesley Witherspoon na nagtapos nang may 27 puntos.

Si Mays ay susuportahan nina Peter June Simon, Marc Pingris, Mark Barroca, Joe Devance at two-time Most Valuable Player James Yap na naghahangad na makabawi buhat sa pagkakabokya niya sa huli nilang laro kontra sa Aces.

Si Witherspoon ay tutulungan nina Paul Asi Taulava, Mark Cardona, Sean Anthony, Aldrech Ramos at Joseph Yeo. Samantala, ang Game Two ng kabilang semifinals series sa pagitan ng Talk ‘N Text at Rain or Shine at lalaruin bukas sa ganap na alas-8 ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

( Photo credit to INS )

Read more...