Mangrobang nanalo sa U23 Elite ng Subic Bay International Triathlon

IIWAN ni Kim Mangrobang ang pagsali sa U23 Elite na naitala ang pangalan bilang isa sa mga kampeon nito sa taunang K-Swiss ITU Subic Bay International Triathlon (SUBIT).

Itinodo ng 22-anyos na si Mangrobang at pumanglima noong 2013 ang nalalabing lakas sa run leg para iwanan sina Chien Wei Chen at Liu Yi Hui ng Chinese Taipei at magiging natatanging lahok ng Pilipinas na nanalo sa Elite races sa pagtatapos kahapon ng karera na inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) at may basbas ng International Triathlon Union (ITU) at Asian Triathlon Confederation (ASTC).

“Positive thinker ako at nag-expect talaga ako na mananalo. Maganda ang kondisyon ko dahil January pa lamang ay sumasali na ako sa mga races,” wika ni Mangrobang na naorasan sa Olympic distance (1.5-k swim, 40-k bike, 10-k run) event ng 2:19:08.

Ang pilak ay kinuha ni Chien sa 2:20:54 habang si Liu ang kumubra ng tansong medalya sa 2:21:57 tiyempo.

Puwede pa ang ipanlalaban sa Asian Games sa South Korea na sumali sa U23 sa 2015 edisyon ng kompetisyong handog ng K-Swiss at may suporta pa ng Century Tuna, Subic Bay Metropolitan Authority Tourism Department at Philippine Sports Commission pero desidido na siyang umakyat sa mas mataas na Elite Open.

Muntik pang maging dalawa ang gintong medalya ng Pilipinas dahil nakipagsabayan ang pambato sa kalalakihan na si Nikko Huelgas sa apat kataong lead pack matapos ang bike leg sa male Elite U23.

Pero hindi nakita ni Huelgas kasama si Banjo Norte ang road sign na dumiretso sila. Sa halip ay kumanan ang dalawa upang magkaroon ng dagdag na 10 segundo sa oras at ito ang ginamit ni Hsu Pei Yen ng Chinese Taipei para magkampeon.

Ang winning time ay 2:00:21 at si Huelgas ay kapos ng 17 segundo (2:00:38). Nakahabol mula sa ikalimang puwesto si John Leerams Chicano at tumapos siya sa ikatlong puwesto sa 2:01:37.

Hinirang na kampeon sa Elite Open sina Latin Eleksadr ng Estonia at Chika Sato ng Japan matapos ang malakas na pagtatapos sa karerang sinimulan sa NCT Junction at nagtapos sa Harbor Point Ayala Mall.

Read more...