Mar sinisira ang sarili | Bandera

Mar sinisira ang sarili

Bella Cariaso - April 27, 2014 - 03:00 AM

TALAGANG hindi na maitatago ang kulay nitong si Interior Secretary Mar Roxas. Lumalabas na talaga ang kanyang magaspang na pag-uugali lalo pa’t merong inilabas na suspensyon laban sa kanya ang isang golf club dahil sa pagdidisplay niya ng kanyang magaspang na asal.

Nagmura at nanigaw umano itong si Roxas, na gustong maging pangulo ng bansa, ng maliliit na kawani ng nasabing golf club.

Hindi pa man din pangulo ganyan na ang ugali!

Noong una ay hindi pinansin ang ulat ng pagmumura ni Roxas kung hindi pa kumalat ang desisyon ng Wack wack Golf and Country Club na nagsususpinde sa gustong maging presidente ng Pilipinas, ay hindi pa siguro malalaman ng marami ang kabalbalan na ginawa nito.

Sa kanyang ginawa, hindi lang siya nagpapakita ng masamang ehemplo sa kanyang nasasakupan na mga local government units and officials kundi lalo na sa mga pulis na nasa ilalim rin ng DILG. Ang posibleng maging tingin nila ay OK lang na gamitin ang posisyon para mabigyan ng VIP treatment.

Sa nangyaring insidente sa kilalang golf club, ipinakikita lamang nito na kahit napakataas na opisyal ng pamahalaan ay dapat lamang sumunod sa patakarang umiiiral. Kung dapat magbayad ng fee, magbayad. Kung hindi kayang magbayad, wag manigaw at lalong wag magmura.

Hindi naiiba ang nangyaring insidente sa Wack Wack sa isang eksena sa NAIA kung saan minura rin at sinigawan ang isang empleyado ng isang airline dahil sa hindi lamang nagustuhan ang serbisyo nito.

Kung nais ni Roxas na sumunod ang lahat sa pinaiiral na batas at regulasyon sa bansa, dapat ay magsilbi pa siyang halimbawa na kahit isang mataas na opisyal ng gobyerno ay kayang sumunod sa patakaran ng mga pribadong institusyon.

Tanong tuloy ng ating mga katropa, ito ba ang susunod na magiging pangulo ng bansa?

Wapak!

Kahit itanggi pa ng administrasyon, patuloy ang pag-iikot ni Roxas sa iba’t-ibang panig ng bansa para magpapogi at isulong ang kanyang kandidatura sa 2016.

Kamakailan ay sa Visayas nanggaling si Roxas para mamudmod ng pondo mula sa gobyerno. Ganito rin ang ginawa ni Roxas sa Nueva Ecija, nagbigay siya ng pondo para sa LGU na halata namang papogi rin at may bahid ng 2016 ambition.

Pero mukhang maswerte ang magiging kalaban ni Roxas kasi hindi na nila kakailanganin ng mga spin doctor para “sirain” si Roxas dahil siya mismo ang sumisira sa kanyang imahe dahil nga sa pagpapakita ng kanyang pangit na pag-uugali.

Umabot ng apat na taon bago nasolusyunan ang pagkakaroon ng lamat sa relasyon ng Pilipinas at ng Hong Kong.

Kung hindi pa umupo si Erap bilang mayor ng Maynila ay hindi pa matutuldukan ang masamang epektong dulot ng hostage taking sa Luneta na ikinamatay ng walong Hong Kong national.

Ang pangit lamang sa nangyari, nais pang angkinin ni Secretary to the Cabinet na si Jose Rene Almendras ang credit na dapat ay kay Erap mapunta.

Noong una’y itinanggi pa ni Almendras na kasama siyang umalis papuntang Hong Kong. Pero nang naging OK ang effort ni Erap, nagkukumahog itong umepal. Nauna pang nagpatawag ng press conference sa Malacañang at sinabing labis-labis ang pasalamat sa kanya ni PNoy dahil tapos na nga naman ang isyung ito with Hong Kong at makakatulog na siya.

Ang kapal!

Kung nagkataon kayang pumalpak ang ginawa ni Erap may mukha kayang ihaharap itong si Almendras? Naku siguradong lalong todo-deny ang gagawin niya na hindi siya kasama sa Hong Kong.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sakabila ng credit grabbing ni Almendras, alam naman ng publiko na si Erap at ang mga opisyal ng Maynila ang nasa likod ng pagtanggap ng Hong Kong sa  apology.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending