TAONG 2012 nang marating ni Nonito Donaire Jr. ang rurok ng tagumpay sa professional boxing.
Apat na beses lumaban si Donaire (32-2-0 with 21 knockouts) sa taong iyon at apat na ulit din siyang nagtagumpay. Bago natapos ang 2012 ay nakopo ng The Filipino Flash ang WBO at WBA super bantamweight title.
Pero sa isang iglap ay naglaho ang kaharian ni Donaire nang maagaw sa kanya ni Guillermo Rigondeaux ng Cuba ang dalawa niyang korona sa unang laban niya noong 2013.
Napag-isip ng kabiguang ito si Donaire. Tinanong niya sa kanyang sarili kung ipagpapatuloy pa ba niya ang kanyang boxing career. Sa panahon ding iyon ay isinilang na ang kanyang panganay na si Jarel at naisip din niyang magretiro na lang at ibunton ang panahon sa kanyang anak.
Pero binigyan pa niya ang kanyang sarili ng isa pang pagkakataon.
Nobyembre noong isang taon ay hinarap niya ang karibal na si Vic Darchinyan ng Armenia. Tulad noong unang paghaharap nila noong 2007 ay muling nanaig si Donaire.
Sa umpisa ng laban ay mukha ngang tagilid si Donaire ngunit nakabawi ito at tinapos ang sagupaan sa 9th round.
Pero hindi dito nagtatapos ang comeback trail ni Donaire. Umpisa pa lang iyon.
Ang susunod niyang hakbang ay ang maging kampeon ulit at maisasakatuparan niya ito kung mananaig siya sa darating niyang laban niya kontra kay WBA super featherweight champion Simpiwe Vetyeka ng South Africa sa Mayo 31.
Sa press conference ng laban sa Edsa Shangri-La noong Martes ay sinabi ni Donaire na excited siya sa labang ito lalo na’t sa Venetian Macau ito gaganapin.
Pero hindi birong kalaban si Vetyeka. Sabi nga ng kaibigan nating si Dennis Prinsipe, isang “tactical” fighter ang kampeon kaya hindi ito puwedeng ismolin ni Donaire.
Sa labang ito ay makakatuwang ni Donaire sa kanyang training camp sa Cebu ang kanyang ama na isa ring dating boxer.
Alam naman nating matagal na panahon din ang “tampuhan” ng mag-ama pero kamakailan lang ay nagka-ayos na sila.
Sabi nga ni Nonito, mas naiintindihan na niya ngayon ang kanyang ama mula nang isilang si Jarel.
“With my father at my side, we can unleash my full potential, my true potential,” aniya.
Wala nang bagaheng binibitbit ang mag-amang Donaire at pareho silang nakatuon ang atensyon sa darating na laban na itinataguyod ng Top Rank, The Venetian Macao at ABS-CBN.
Nagbunyi ang sambayanan sa pagbawi ni Manny Pacquiao sa kanyang WBO welterweight title kay Timothy Bradley noong Abril 13 at makukumpleto ang pagpupunyagi ng mga Pilipino kung magkakampeon sa ikaapat na pagkakataon si Donaire sa Mayo 31.