Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. San Miguel Beer vs Air21
NAIS ng Air21 na patuloy na gawin ang kaya nitong gawin samantalang gusto ng San Miguel Beer na ilabas ang tunay nitong potensyal sa huli nilang pagkikita sa quarterfinals ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ang magwawagi ay didiretso sa best-of-five semifinal round.
Ang Express, na pumasok sa quarterfinals bilang seventh seed, ay nagwagi kontra sa second seed Beermen, 92-79, noong Martes upang mapuwersa ang sudden-death na laban.
Ang San Miguel Beer, na may twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals, ay naging malamya sa umpisa ng laro at nalamangan agad ng Air21, 10-1. Ang Express ay nakaabante pa ng 17 puntos.
Natuto ang Express sa karanasan nila kontra Beermen dalawang Miyerkules na ang nakalilipas. Sa una nilang pagkikita sa torneo ay lumamang din ang Air21 ng 17 puntos, 72-55, papasok sa ikaapat na yugto. Subalit hinayaan nilang makabalik ang Beermen at manalo, 93-85.
“We did not run away from what we’re supposed to do. We held the No. 1 scoring team down. We did what we’re supposed to do,” ani Air21 coach Franz Pumaren.
Hangad ng Air21 na maging ikasampung lower-seed team na magtagumpay sa mas pinapaborang karibal simula ng gamitin ang twice-to-beat format sa quarterfinals. May siyam sa 72 lower ranked teams na nagtagumpay na sa sitwasyong ito.
Nagbida si Sean Anthony para sa Air21 noong Miyerkules nang magtala siya ng 25 puntos upang tulungan si Wesley Witherspoon na nagdagdag ng 18 puntos.