MIAMI — Nagtala si LeBron James ng 32 puntos at walong assists habang si Chris Bosh ay umiskor ng 20 puntos para tulungan ang Miami Heat na biguin ang Charlotte Bobcats, 101-97, kahapon at kunin ang 2-0 abante sa kanilang NBA Eastern Conference first-round series.
Nag-ambag si Dwyane Wade ng 15 puntos at ang steal niya sa mga huling segundo ng laro ang nagselyo sa panalo para sa Miami.
Gumawa si Michael Kidd-Gilchrist ng 22 puntos para sa Charlotte habang si Al Jefferson ay nagtala ng 18 puntos at 13 rebounds. Nagdagdag naman si Kemba Walker ng 16 puntos at si Gerald Henderson ay may 15 puntos para sa Bobcats.
Ang Game 3 ng kanilang best-of-seven series ay gaganapin sa Linggo sa Charlotte.
Trail Blazers 112, Rockets 105
Sa Houston, umiskor si LaMarcus Aldridge ng 43 puntos habang si Damian Lillard ay nagpasok ng anim na free throws sa krusyal na bahagi ng laro para ihatid ang Portland Trail Blazers sa panalo kontra Houston Rockets at kubrahin ang 2-0 abante sa kanilang first-round playoff series.
Nakapagbuslo si James Harden ng 3-pointer may 30 segundo ang nalalabi sa laro para makadikit ang Rockets sa tatlo. Subalit nagpasok si Lillard ng dalawang free throws bago nag-foul out si Harden may 10 segundo sa laban. Matapos nito ay nagbuslo sina Mo Williams at Lillard ng tig-isang pares ng free throws para siguraduhin ang kanilang panalo.
Si Aldridge ay naging kauna-unahang manlalaro na umiskor ng magkasunod na 40-point games sa playoffs magmula nang gawin ito ni LeBron James noong Mayo 2009.