GALEDO, HARI NG LE TOUR FILIPINAS

PINAGBAYAD ni Mark Galedo ng 7-Eleven Road Bike Philippines ang pagpapabaya sa kanya ng ibang katunggali nang umatake  ito sa kalagitnaan ng karera para angkinin ang kampeonato sa 2014 Le Tour de Filipinas na nagtapos kahapon sa Burnham Park sa Baguio City.

Umabot sa 132.7 kilometro ang distansya ng karera na pinakawalan sa Bayombong, Nueva Vizcaya at nagamit ni Galedo ang husay sa akyatan para lalong maiwanan ang mga OCBC Singapore Continental team riders na sina Goh Choon Huat at Eric Sheppard na matapos ang Stage Three ay nasa unang dalawang puwesto sa overall race.

“Nag-try lang ako na umatake sa 60-kilometer mark pero wala ito sa plano. Nagkaroon lang ako ng chance at sumubok ako at noong nakaagwat na ako, tinuloy ko na. Hindi ko naman akalain na malalaglag sila ng ganoon kaagang oras,” wika ni Galedo na naorasan ng apat na oras, 33 minuto at 56 segundo sa karera.

Si 2013 Myanmar SEAG road race gold medallist Ariya Phounsavath na kasapi ng CCN Cycling team ng Brunei, ang siyang kumuha ng stage win sa 4:32:42 at hindi na siya hinabol ni Galedo dahil malayo siya sa overall race.

“Hinayaan ko na lang siya na makakawala dahil malayo naman siya (overall race). May tama na rin ang mga binti ko sa last 15 pero pinilit ko na ituloy ang pacing na kaya ko para hindi malaglag sa oras na hinahabol ko,” paliwanag pa ni Galedo na nanalo rin ng ginto sa 2013 SEA Games sa 50-km individual time trial.

Nagkatotoo ang pinaniwalaan na ang tatlong ahunan sa Barangay Kayapa at Ambuklao ang siyang magsasabi kung sino ang kikilalaning kampeon sa taong ito sa karerang handog ng Air21 katuwang ang Ube Media dahil lawit ang dila ng mga dayuhan sa pangunguna nina Goh at Sheppard.

Si Sheppard at Alireza Asgharzadeh ng Tabriz Shahrdri Ranking ng Iran ang tumawid kasunod ni Galedo pero kapos sila ng 1:27 (4:35:23) upang maglaho ang 30 segundo tangan ng una matapos ang Stage Three.

Mas masakit ang nangyari kay Goh dahil nilamon ni Galedo ang 3:33 abante nito nang tumapos sa ika-16 puwesto at kapos ng 17 minuto at 38 segundo.

Sa pagtatapos ng apat na araw na karera na may ayuda pa ng Smart, NLEX, SCTEX, TPLEX, BCDA, Petron, Victory Liner at M. Lhuillier at tumahak ng kabuuang 614.8 kilometro, si Galedo ay nakalikom ng kabuuang oras na 17:12:05 at lamang siya ng 1:03 kay Sheppard  (17:13:08). Ang ikatlong puwesto ay naibulsa ni Asgharzadeh sa 17:16:17 tiyempo.

Lalabas si Galedo bilang ikalawang Filipino rider kasunod ni Jonipher “Baler” Ravina na nagkampeon sa Le Tour de Filipinas na binuhay ni PhilCycling chairman Bert Lina noong 2010.

“Nanalo ako sa local Tour noong 2009 at 2012 at kahit lahat ng panalong ito ay hindi ko makakalimutan dahil pinaghirapan ko ito, ang panalo ko ngayon ay una sa isang international race kaya masaya ako,” banggit pa ni Galedo na nanguna rin sa Stage Two at tinanghal na Best Filipino rider ng kompetisyon.

Naiuwi ni Galedo ang $950 (P42,481.11) pabuya sa pagiging overall champion.

Read more...