Sa Canada(w) ang pupuntahan | Bandera

Sa Canada(w) ang pupuntahan

Susan K - April 25, 2014 - 03:00 AM

LIMANG buwan nang nakasakay sa barko ang seaman na mister ni JS. Simula noon ay hindi na raw ito tumatawag sa kanya.

Hanggang ngayon ay wala na raw siyang balita sa mister.

Nang magtanong ito sa manning agency, ang tanging isinagot sa kanya nito ay: “On-Board ang asawa mo”.

Hindi na nakatiis si misis at lumapit na siya sa Bantay OCW. Tanong niya sa atin ay kung ano raw kaya ang dahilan kung bakit hindi na nakikipag-ugnayan sa kanya ang mister.

Susmaryosep! Parang alam namin ang sagot! Aba hindi rin po namin alam!!

Giit pa ni misis, nag-te-text daw siya sa roaming ni mister, ngunit hindi rin ito sumasagot.

Again, hindi rin namin alam ang sagot.

Ang alam daw ni JS, may nagawa siyang maliit o kaunti lamang na kasalanan kay mister. At mula noon, hindi na ito tumawag o sumagot pa sa mga text messages o maging tawag niya.

Iyon naman pala!!! Alam naman pala ni misis ang dahilan.

Minsan ang hirap, ultimong mga personal na suliranin ay talagang ipinararating pa sa Bantay OCW.

Personal ang problema ni JS sa asawang seaman, kaya’t payo ng Bantay OCW na tanging si misis lamang ang makatutugon din sa kanyang problema. O silang dalawa lamang ang makagagawa ng solusyon sa kanilang problema.

Gawin niya ang lahat para lumambot ang puso ni mister. Humingi siya ng tawad kung talagang may kasalanan siya, kesehodang maliit man yan o malaki. Magpakumbaba.

Galing Saudi Arabia si Richard Enero. Nang mag-exit siya, nag-apply naman ito patungong Canada dahil naroon ‘anya ang kaniyang father-in-law noong panahong nag-apply siya. Pinaasa lamang siya at pinatatagal lamang ‘anya ang kaniyang application kung kaya’t nais ni Richard na mabawi na lamang ang P67,000 na ibinayad sa ahensiyang naka-deal. Tanong niya kung ano ba ang dapat gawin?

Payo natin kay Richard na personal niyang ireklamo na sa POEA ang ahensiyang pinagbayaran at nang mabawi ang salaping naibigay.

Pautang sa Macau, ayaw nang Panagutan!

Masamang-masama ang loob ng ating texter na si JM dahil may nakasama ‘anya siya sa trabaho sa Macau at nakautang ito sa kaniya ng malaking halaga ng salapi. Palibhasa’y kaibigan, naawa naman siya kung kaya’t pinautang na niya. Ngunit mula noong umuwi siya ng 2011, hindi na ‘anya nakaalala ang naturang kaibigan. Ni hindi ito tumawag sa kaniya o humingi man lang ng dispensa dahil hindi nga siya nakakabayad sa kaibigan. Hindi na rin niya sinasagot ang mga text at tawag ng ating texter. Pakiusap niya sa Bantay OCW kung puwedeng magamit ang ating mga contact sa Macau at masingil si kabayan.
Gayong personalan na po ang pakiusap ninyo, susubukan na lamang natin na maipadala ang kaniyang pangalan at direksyon ng kaniyang trabaho at tirahan doon. Makikisuyo po tayong maipaabot ang inyong mensahe ng paniningil.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nais po naming ipaalam sa ating mga kababayan lalo na ang mga bagong dating mula sa abroad, na wala na po sa Shaw Blvd., Mandaluyong City ang Bantay OCW Operations Center.
Maaaring matagpuan kami sa Inquirer radio station araw-araw, Lunes hanggang Biyernes tuwing 10:30am -12:00 noon sa 2/F MRP Building, Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City.
Maaaring tumawag muna sa aming Bantay OCW Helpline: 0927.649.9870 o di kaya’y mag-email sa [email protected] o [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending