Nina Bella Cariaso, Leifbilly Begas
HITIK na hitik sa mga naglalakihang balita sa loob at labas ng bansa ang nangyari nitong 2011. Ngunit minabuti ng Bandera na magsagawa ng sariling survey kung ano sa tingin nila ang top 20 na balita na talagang inabangan at sinundan nila.
1.GMA kinasuhan, inaresto, kulong
Hindi na ikinagulat ng marami ang pagsasampa ng mga kaso laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Dahil sa kasong electoral sabotage na isang non-bailable offense, hindi pinayagang makalabas ng bansa para makapagpa-gamot ito. Bagkus, inaresto at ngayon ay inilagay sa ilalim ng house arrest.
2. Chief Justice Renato Corona na-impeached
Dahil kilalang alyado ng dating pangulo, pinuntirya ng gobyerno si Supreme Court Chief Justice Renato Puno. Na-impeached ng Kamara at nga-yon ay nahaharap sa impeachment trial sa Senado.
3. Hagupit ni Sendong
Ilang araw bago mag-Pasko ginimbal ang Iligan at Cagayan de Oro City ng bagyong Sendong na kumitil sa mahigit 1,000 katao. May 1,000 pa umano ang nawawala hanggang ngayon.
4. 4 drug mules binitay sa China
Sakabila nang mga apela ng Pilipinas, hindi napigilan ang China na bitayin ang apat na drug mules.
5. Ombudsman nagbitiw
Matapos ma-impeached, minabuting magbitiw na lamang sa kanyang tungkulin bilang Ombudsman si Merceditas Gutierrez dahil sa samu’t saring kasong isinampa laban sa kanya.
6. Manny vs Marquez
Maraming hindi natuwa sa pagkapanalo ni Manny Pacquiao sa laban niya sa Mexican boxer na si Juan Manuel Marquez nitong Nobyembre. Marami ang nagsasabi na hindi deserved ni Manny ang kanyang pagkapanalo.
7. Pinay beauties bumandera
Nagdiwang ang bansa sa pagkakatanghal kay Shamcey Supsup bilang Miss Universe Third Runnerup at Gwendolyn Ruais bilang Second Princess ng Miss World.
8. Ramgen killing
Kapatid laban sa kapatid ang nangyari sa pagkakapatay sa anak ni dating Senador Ramon Revilla Sr. noong Oktubre.
9. Japan earthquake, tsunami at nuclear meltdown
Nawindang ang buong mundo nang tumama sa Japan ang napalakas na lindol at tsunami noong Marso na ikinasawi ng may 18,000 katao.
10. Royal wedding
Ikinasal si Prince William sa commoner na si Catherine Middleton noong Abril.
11. Ex-FG, Mikey Arroyo kinasuhan
Nahaharap sa kasong graft si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo kaugnay sa PNP choppers deal habang si Rep. Mikey Arroyo ay kinasuhan ng tax evasion.
12. Piolo-KC breakup
Uminit ang usapang showbiz dahil sa breakup ng aktor na si Piolo Pascual at KC Concepcion dahil sa umano’y isyung “kabadingan”.
13. Ate Guy balik Pinas
Nabuhay ang ‘awayang’ Nora vs Vilma sa muling pagbabalik-bansa ni Superstar Nora Aunor noong Agosto.
14. Mo Twister- Rhian Ramos scandal
‘Laglagan’ issue naman ang pumaloob sa hiwalayang Mo Twister at Rhian Ramos na kumalat sa Internet.
15. Osama Bin Laden tigok
Nagdiwang ang US habang nagluksa ang mga kaalyado ng international terror leader na si Osama Bin Laden nang mapatay ito noong Mayo.
16. Gadaffi patay din
Matapos ang ilang buwang pagmamatigas, napatay din ang napatalsik na Libyan leader Moammar Gadaffi noong Oktubre.
17. Pabaon sa mga heneral; suicide ni ex-AFP Chief Reyes
Umugong ang milyun-milyong pisong pabaon sa mga heneral kapag nagreretiro. Ilang linggo matapos ang sunud-sunod na expose, nagpakamatay ang dating AFP Chief of Staff na si Angelo Reyes.
18. Azkals bumandera
Unti-unting napahilig ang mga Pinoy sa football dahil sa pagsikat ng Azkals nang ipamalas nito ang kanilang mga galing.
19. Hacienda Luisita land distribution
Sa botong 14-0, inaprubahan ng Korte Suprema ang pamamahagi ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka nito.
20. Ping Lacson lumantad
Matapos ang halos isang taong pagtatago, bumalik sa bansa noong Marso si Senador Panfilo Lacson matapos ibasura ng korte ang kasong double murder laban sa kanya kaugnay sa pagpatay sa publicist na si Bubby Dacer at driver nito.