Bobcats taob sa Heat; Mavs tiklop sa Spurs

MIAMI — Umiskor si LeBron James ng 27 puntos habang si Dwyane Wade ay nag-ambag ng 23 puntos para pangunahan ang
Miami Heat na patumbahin ang Charlotte Bobcats, 99-88, sa Game 1 ng kanilang NBA Playoffs Eastern Conference first-round series kahapon.

Nagdagdag si Chris Bosh ng 13 puntos habang si James Jones ay may 12 puntos para sa Heat. Ang Game 2 ng best-of-seven series ay gagawin sa Huwebes.

Gumawa si Kemba Walker ng 20 puntos para sa Bobcats, na nakalamang ng siyam na puntos sa kaagahan ng laro at sa ikatlong yugto. Sumablay naman si Al Jefferson sa walo sa kanyang huling 13 tira matapos na masaktan sa unang yugto.

Nagtapos siya na may 18 puntos at 10 rebounds para sa Bobcats, na nakakuha ng 17 puntos mula kay Gary Neal at 15 puntos mula kay Josh McRoberts.

Sinelyuhan ng Miami ang kanilang panalo sa pamamagitan ng 18-4 ratsada sa ikaapat na yugto.

Spurs 90, Mavericks 85
Sa San Antonio, kumana si Tim Duncan ng 27 puntos para tulungan ang San Antonio Spurs na malimita ang Dallas Mavericks sa isang field goal sa huling pitong minuto ng laro para magwagi sa Game 1 ng kanilang first-round playoff series.

Ang Mavericks ay hindi nakaiskor sa loob ng 5½ minuto sa nasabing bahagi ng laro kung saan ang tangi nilang field goal ay nagawa nila patapos na ang laro.

Gumawa si Tony Parker ng 21 puntos habang si Manu Ginobili ay nagdagdag ng 17 puntos para sa Spurs. Si Kawhi Leonard ay nag-ambag ng 11 puntos at 10 rebounds at si Tiago Splitter ay humablot naman ng 11 rebounds para sa top-seeded San Antonio, na nanalo ng 10 diretsong laro kontra Dallas.

Si Devin Harris ay umiskor ng 19 puntos para sa Mavericks, na muntikan ng magtala ng upset win.

Wizards 102, Bulls 93
Sa Chicago, gumawa si Nene ng 24 puntos habang si Trevor Ariza ay umiskor ng 18 puntos para sa Washington Wizards na bumangon buhat sa 13 puntos na paghahabol para talunin ang Chicago Bulls sa kanilang playoff opener.

Kumamada naman si John Wall ng 16 puntos sa kanyang postseason debut. Nag-ambag si Marcin Gortat ng 15 puntos at 13 rebounds para sa fifth-seeded Wizards

Tinapyas nila ang 13 puntos na abante ng Bulls sa isa sa ikatlong yugto at naghabol sa tatlong puntos papasok sa ikaapat na yugto bago talunin sa puntusan ang Chicago, 18-6, sa huling anim na minuto para magwagi sa kanilang kauna-unahang playoff appearance magmula noong 2008. Ang Game 2 ng serye ay gaganapin bukas.

Trail Blazers 122, Rockets 120 (OT)
Sa Houston, gumawa si LaMarcus Aldridge ng club playoff-record 46 puntos habang si Damian Lillard ay nag-ambag ng 31 puntos para ihatid ang Portland Trail Blazers sa overtime panalo kontra Houston Rockets.

Read more...