DUMATING sa bansa si Atty. Jessica “Gigi”Reyes noong Sabado mula sa San Fransisco, USA. At ang tangi niyang statement sa media, “I’m facing the charges, I’ve always faced it.”
Handa na ba siyang magpakulong sa kaso niyang plunder na walang piyansa? O bilang abugada, meron din siyang mga “legal strategies” para makaiwas? Ang pinakahuli niyang legal action ay ang pagsasampa ng Motion for reconsideration sa Ombudsman matapos ihayag nito na merong “probable cause” para sampahan siya kasama nina Enrile, Revilla, Estrada at iba pa ng kasong Plunder.
Kung susuriin, ang gusto ng mga government lawyers ay bumaligtad si Gigi, mag-state witness at ituro si Enrile bilang mastermind. Matatandaan na kahit si Ruby Tuason ay hindi deretsahang itinuro si Enrile na tumanggap ng pera galing sa kanya. Palagi lamang daw dumarating ang senador sa tagpuan nila ni Gigi kundi man ay nasa kabilang mesa pero di kumukuha ng pera.
Sa mga legal analysts, si Gigi ang tumanggap ng lahat ng pera mula kay Janet Lim Napoles. Siya rin ang nakapirma sa lahat ng dokumento partikular sa mga PDAF ni Enrile at posible na meron ding paper trail laban sa kanya ang mga government prosecutors. Noong una, nagpahapyaw ng galit sa Facebook si Gigi matapos lumabas ang press release mula sa office ni Sen. Enrile na wala itong kinalaman sa 10-B PDAF scam. Agad namang bumawi si Enrile at doon ay nakalma si Gigi na lumipad agad palabas ng bansa.
Hanga ako kay Gigi dahil haharapin na niya ang kaso, pero duda ako kung handa siyang magpakulong ng walang pyansa.
Meron kayang nangyaring “back door negotiations” sa kanya ang administrasyong Aquino? Kung susuriin, pareho sila ni Ruby Tuason sa legal strategy na magsumite ng MR sa Ombudsman. Nag-usap ba sila? Hindi kaya nagkita sina Ruby at Gigi sa Amerika tulad ng dati nilang ginagawa? O baka naman, nag-apply na rin ng witness protection si Gigi kaya naman bumalik na sa bansa?
Paano na ang mangyayari? Makukulong ang mastermind na si Janet Lim Napoles, kasama sina Estrada, Revilla at Enrile habang dinidinig ang kaso. At ang magdidiin ay walang iba kundi ang mga state witnesses na sina Gigi Reyes at Ruby Tuason. Ito naman ang talagang gusto ng Malakanyang.
Ang paglilitis ay tatagal lampas ng 2016 at mag-iiba na ang manunungkulan. Kung masentensyahan ang grupo, maghihintay sila ng pardon o amnesty ng susunod na lider tulad ng ginawa ni PGMA kay Erap.
Pero, hindi ba kapansin-pansin na kasabay ng mga paglilitis na ito ay durog na durog ngayon ang oposisyon? Parang wala mang bumabatikos na oposisyon sa mga maiinit na isyu ngayon. Mukhang mga kakampi pa ni PNoy tulad nina Sen. Trillanes at Miriam Santiago ang umaastang taga-oposisyon.
Kunsabagay, kasalanan din nina Enrile, Revilla at Estrada ang kanilang sitwasyon. Paano maniniwala ang taumbayan sa kanila kung ang alegasyon ay ninanakawan nila tayo? Wasak na wasak na ang kanilang mga pangalan habang lalo pang nanghina ang oposisyon. Sina Jinggoy at Bong, pilit na nag-iingay sa kanilang kaso dahil mga bata pa at pwedeng magpakulong hanggang sa maabswelto. Pero si Enrile, matanda na kaya nananahimik na lang. Ayon sa aking source, handa na raw si Enrile na magpakulong at kung mangyayari ay mamatay sa bilangguan. Hindi na raw ito kokontra sa alinmang gagawin sa kanya ng Aquino administration.
Kahit pa siya ikanta ni Gigi Reyes, tatanggapin raw ni Enrile ang lahat ng parusa. At kung masentensyahan man at makulong ng matagal o mamatay sa loob ng bilangguan, ito ay isang problemang dadalhin ni PNoy at ng susunod pang mga lider sa ating pambansang kasaysayan.
Gigi ilalaglag na si Enrile?
READ NEXT
Palabra ng gobyerno
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...