KARANIWANG bagumbuhay ang Pasko ng Pagkabuhay. Nagtika sa nakalipas na Semana Santa. Ninamnam nang marubdob at malalim ang Pitong Huling Wika at at hinagap ang mga kakulangan sa bawat salita nito: Ama ko, patawarin mo sila, hindi nila alam ang kanilang ginagawa; sinasabi Ko sa iyo, sa araw na ito ay makakasama kita sa paraiso; babae, hayan ang iyong Anak, hayan ang iyong ina; Diyos ko, Diyos ko, bakit mo Ako pinabayaan; Ako’y nauuhaw; tapos na, naganap na; at, Ama ko, sa Iyong mga kamay, inihahabilin ko ang aking kaluluwa.
Pero, ngayong Lunes, Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay (Slm 16:1-2a & 5, 7-11; Gawa 2:14, 22-33; Mt 28:8-15), ay mahirap ipagdiwang ang pagnanakaw ng mayayaman sa mahihirap. Si Dimas na magnanakaw ay hindi mayaman, bagkus galing siya sa dukhang pamilya. Humingi siya ng tawad sa Panginoon at siya’y pinatawad dahil mula sa kanyang puso ang pagsusumamo at tapat na pagtitika. Kaya siya’y isasama sa paraiso. Pero, kailanman, ang mayayamang magnanakaw ay walang puwang sa paraiso at hindi sila tatanggapin sa paraiso. Ayon sa pagpapaliwanag, hindi sinasabi sa Biblia na may puwang sa paraiso ang mayamang magnanakaw. Mas lalong puwang ang hungkag na mga kongresista at senador, maging ang nasa makapangyarihan at maperang mga ahensiya ng gobyerno, tulad ng MRT, dahil patuloy nilang niloloko, pinagnanakawan at pinagsasamantalahan ang mahihirap. Hirap nan gang sumakay sa MRT ay iinsultuhin pa na “…marami naman puwedeng sakyan” o “…sumakay na lang sa iba, may bus naman sa EDSA.”
Kapag namatay ay hindi rin aakyat sa langit ang napakaraming opisyal ng Department of Agriculture, ayon sa sermon. Sila’y tulad din ng mayayamang mga senador at kongresista, at ang isa nga sa pinukol ng batu-bato sa langit ay ang kinatawan mula sa Samar, na napakatibay ng mga paa sa bagyo, kahit magbago, at pabagu-bago man ang administrasyon ay natakayo pa rin siya at saglit ngang nanahimik nang hilahin sa alingasngas sa pansamantalang pabahay. Pinagnanakawan ng napakaraming opisyal sa Department of Agriculture ang mahihirap at mumu na lang ang ipinamamahagi sa magsasaka, na ipinagmamalaki pa nilang tawagin na lingap nina Alcala’t Aquino.
Sa P10 bilyon-P30 bilyon ninakaw sa taumbayan, kung may takot lamang sa Diyos ang kalihim at pangulo ay nasagip na sana sa kahirapan ang mga magsasaka at nailayo na sila sa lintang mga negosyante na nagpapautang ng mataas na interes may pambili lamang ng binhi ng palay ang mga magsasaka.
Napasigaw si Cardinal Tagle na pati pala siya, mga pari’t layko na binubuwisan sa kanilang mga binibili ay magbabayad na rin ng condom na gagamitin ng mga ibig magparaos. Ayon sa regulasyon, hindi lang sina Cardinal Tagle, mga pari’t layko ang papasan ng gastos ng RH law.
Lahat ay papasanin ang bilyones na ilalaan para hindi maubusan ng supply ng condom. Condom na lang, imbes na kumuha ng bagong mga guro at imulat ang isipan ng kabataan sa kanayunan. Condom na lang, imbes na lugaw sa mahihirap na bata sa Tondo, Dagat-Dagatan, Bagong Silang, mga barangay sa Payatas at sa evacuation centers sa Zamboanga City. Condom na lang, imbes na pamatid gutom at uhaw. Condom na lang, imbes na gamot sa mahihirap na pasyente sa PGH, East Avenue Medical Center at Tala hospital (Jose N. Rodriguez Memorial Hospital).
Sa kanyang pag-uwi sa bahay, uhaw sa seguridad ang arawang obrero. Nakapaligid ang banta ng holdap at snatching habang naglalakad sa kalye. Kung ang eksena ay tulad ng masisikip na kanto sa Maynila, hindi kapani-paniwala na nagaganap na ito sa marangyang lungsod ng Makati. Hindi kapani-paniwalang halos araw-araw ay nabibiktima ng mga kawatan ang mga kawani ng Inquirer Group. Kung nangyayari ito sa kanila, mas lalong ganito at higit pa rito ang sinasapit ng karaniwang naglalakad sa kalye, pasahero ng jeepney at bus. Sa Quezon City nga, isa pang marangyang lungsod, hinaharang na ang tricycle at hinoholdap ang mga sakay nito. Uhaw ka, uhaw tayo sa seguridad sa kalye. Kung uhaw tayo sa seguridad mula sa mga magnanakaw sa kalye, mas uhaw sa seguridad ang mga mamahayag sa Cavite. Humahabol sa Mindanao ang Cavite sa dami ng bilang na pinapatay na mga mamamahayag. At habang nagaganap ito, mas lalo pang hinigpitan ni Alan Purisima ang paglilisensiya at pagdadala ng baril. Mas lalong pinahihirapan, kinukuba sa dami ng daraanang regulasyon, ang tahimik na mamamayan, ang mga mamamahayag, ang nais mag-armas.
Panginoon, bakit mo kami binigyan ng ganitong uri ng administrasyon? Bakit mo kami binigyan ng ganitong uri ng pulisya? Bakit mo kami binigyan ng ganitong uri ng Department of Agriculture, ng Department of Social Welfare and Development na pinabayaan na ang naninirahan sa mga evacuation centers sa Zamboanga City? Bakit mo kami binigyan ng ganitong uri ng Department of Health, na sa di kalaunan ay ibebenta at isasapribado na ang mga ospital ng gobyerno na ang tunay na misyon ay maglingkod at gamutin ang mahihirap?
Bakit mo kami binigyan ng ganitong uri ng Department of Transportation and Communication, ng Land Transportation Office, na sa simpleng problema ng plaka’t sticker ay hindi na nilulutas at patuloy na niloloko’t pinaaasa ang mga bayad na sa kanilang rehistro, plaka’t sticker?
Sa Semana Santa, sa Siete Palabras, nahubaran ang napakaraming kasalanan ng administrasyong dilaw, inisa-isa ang mga kamalian, pagkukulang at sinasadyang gawain ng demonyo, hanggang sa tawagin ni Cardinal Tagle ang pangulo na non-practicing Catholic, at ngayon nga raw ay iiling-iling at di makapaniwala si Cory Aquino.
Palabra ng gobyerno
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...