Deniece tinawag na duwag si Vhong: Umamin ka na, sabihin mo na ang lahat ng kasalanan mo!

MAS lalo lang pinalalalim ni Deniece Cornejo ang hukay ng sarili niyang libingan.Nagmatapang pa rin ang unang babaeng nagsampa ng kasong rape laban kay Vhong Navarro, sa halip kasi na manahimik na lang muna matapos maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanila ni Cedric Lee ay nagtatalak ito kamakailan sa kanyang Instagram account.

Pinatutsadahan niya sa kanyang mga mensahe si Vhong pati na rin sa isang TV network at sa Department of Justice. Sunud-sunod ang naging mensahe ni Deniece laban sa kanyang mga kalaban matapos ngang ibasura ng DOJ ang rape complaint na isinampa niya laban sa TV host-comedian.

At mas lalo pang nabwisit ang kampo nina Deniece at Cedric nang iutos ng DOJ na sampahan na sila ng kasing grave coercion at serious illegal detention.

Agad namang naglabas ng warrant of arrest ang Taguig Municipal Trial Court laban sa mga suspek para sa kasong grave coercion kaya napilitan na si  Deniece na magpiyansa.

Kasunod na nga nito ang pambabatikos ng modelo sa kampo ni Vhong sa social media. Dito kinuwestiyon ni Deniece ang timing ng pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanila, halatang itinaon daw ito sa pagpapalabas ng  pelikula ng komedyante, ang “Da Possessed”.

Bukod dito tinawag din ni Deniece na duwag si Vhong at ginamit pa raw nito ang pagiging isang sikat na celebrity, gustong palabasin ng akusado na pinairal ng Kapamilya actor ang kanyang impluwensiya kaya sila nadiin sa kaso.

Nilagyan ni Deniece ng caption na “#supermad” ang nasabing post. At hindi rin nakaligtas ang ABS-CBN sa patutsada ni Deniece, hindi man nito diretsong binanggit ang Dos, halatang ang Kapamilya station ang kanyang tinutukoy sa kanyang mensahe dahil dito nga nakakontrata si Vhong bilang exclusive talent.

At sa ending ng kanyang Instagram  post, siniguro ni Deniece na hindi siya aalis ng bansa at wala siyang balak takasan ang kanyang kaso sa Pilipinas, bukod sa expired na raw ang kanyang passport, lalabanan niya si Vhong hanggang sa huli.

Sa mga nakaraang interview ni Deniece, mariin pa rin nitong sinabi na napakalaki ng kasalanan ni Vhong sa kanya at sana raw ay umamin na ito sa ngalan ng Kuwaresma.

Sey pa nito bago mag-Semana Santa, “As I said, I will face the music, so ito ang patibay na nag-surrender ako for the grave coercion. Umamin na siya. Dahil Holy Week na ngayon, lahat ng kasalanan niya, sabihin na niya.”

Anumang araw mula ngayon ay inaasahang maglalabas na rin ng resolusyon ang korte para naman sa serious illegal detention complaint na inihain ni Vhong laban kina Deniece at Cedric, kapag kinampihan muli ng korte si Vhong sa kasong ito, tiyak na diretso na sa kulungan ang mga suspek dahil wala na itong piyansa.

Read more...