DUMATING na sa Clark, Pampanga ang lahat ng kasaling siklista at koponan para sa 5th Le Tour de Filipinas na magsisimula na bukas.
May 13 dayuhan at dalawang local teams ang magsisipagtagisan sa apat na yugtong karera na handog ng Air21 katuwang ang Ube Media at suportado pa ng Smart, NLEX, SCTEX, TPLEX, BCDA, Petron, Victory Liner at M. Lhuillier.
Tig-limang siklista ang bumubuo sa bawat koponan at ang kompetisyon sa taong ito ay nilahukan ng 13 bansa. Bagamat ginunita ng bansa ang Semana Santa, hindi naman naapektuhan ang pagdating ng mga kasaling koponan dahil sa mahusay na trabaho ng core group na sina Alma Lumibao, Joel Golayan, Egay Lorenzo, Haggie Narag at Joel David.
Taong 2010 nang binuhay ni Philcycling chairman Bert Lina ang Le Tour de Filipinas upang bigyan ng pagkakataon ang mga
Filipino cyclists na maranasan ang makipagtagisan sa mga bigating dayuhan.
Tunay naman na nakatulong ito hindi lamang para gumaling ang mga local cyclists kundi naipakita ng Pilipinas ang kakayahan na gumawa ng malaking pakarera na ikatutuwa ng lahat ng sumali
.Ang bagay na ito ay kinilala mismo ng Asian Cycling Confederation (ACC) president Cho Hee Wok ng Korea. “The organizing committee in the Philippines, which is coming up to become one of the cycling powers in Asia, would be able, as in last year, to put up one of the memorable races of the Le Tour,” wika ni Cho.
Isa rin ang Le Tour de Filipinas sa mga karera na nagagamit ng ibang cycling teams sa Asia para maitaas ang kanilang lebel.
“The Asia Tours have played a driving force behind cycling activities organized in every country and are also key elements in the development of cycling sports in our member countries, Asia and the world as well.
These two factors would be in themselves be very sufficient to describe the importance of the 2014 Le Tour de Filipinas organized in the Philippines,” dagdag ng pangulo ng ACC.
Bukod sa host country na maglalahok ng dalawang koponan na 7-Eleven Road Bike at Philippine Navy-Standard Insurance cycling teams, ang iba pang bansa na nagpadala ng kalahok ay ang Australia, Brunei, Indonesia, Iran, Ireland, Japan, Kazakhstan, Korea, Malaysia, Mongolia, Singapore at United Arab Emirates.
Bubuksan ang aksyon bukas ng tagisan mula Clark hanggang Olongapo City.