Sumasagitsit ang Bolts

TULUYAN na ngang nakabangon ang Meralco buhat sa maagang pagkaka-eliminate sa nakaraang PBA Philippine Cup.
Ngayon ay sigurado na sila sa quarterfinal round ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup at pasok pa sila sa best-of-three affair.

Noon kasing nakaraang torneo ay tumukod sila sa dulo ng elims at nagtabla sa Alaska Milk para sa ikawalong puwesto sa pagtatapos ng elims. Natalo sila sa Aces sa playoff kaya maaga silang nagbakasyon.

Nagawa ng Bolts na maiposte ang ikalimang panalo sa siyam na games nang talunin nila ang SanMig Coffee, 88-78, noong Lunes.

Lamang ang Mixers ng dalawang puntos sa halftime, 41-39, subalit sumagitsit ang Bolts sa simula ng third period at biglang lumayo. Nagbida sa atakeng iyon sina Jared Dillinger, Gary David at import Darnell Jackson.

Nakuha nila ang third quarter, 66-58. Napakasarap ng panalong ito para kay coach Paul Ryan Gregorio. Ito kasi’y naitala niya kontra sa dati niyang koponan.

Magugunitang bago tinanggap ni Gregorio ang head coaching job sa Meralco ay hinawakan niya ang SanMig Coffee (na noo’y Purefood at B-Meg pa ang team name). Ilang kampeonato din ang naibigay niya sa prangkisang ito.

Nang lisanin niya ang Purefoods ay hina-linhan siya ni Jorge Gallent na tumagal ng isang taon bago pinalitan ni Tim Cone na lumipat buhat sa Alaska Milk.

Heto ang siste, laging hirap na hirap si Gregorio sa dati niyang koponan. Kumbaga’y isang breakthrough win ang tagumpay ng Bolts sa Mixers noong Lunes.

Ngayon lang talaga naranasan ni Gregorio na biguin ang kanyang mga dating manlalaro. At siguradong nasarapan siya bagamat kahit paano’y nasaktan din. Matagal din naman ang naging samahan nila, hindi ba?

Pero past is past. Iba na ngang chapter ito sa buhay ni Gregorio. Ikaapat na taon na ni Gregorio bilang head coach ng Meralco. Limang taong kontrata lang ang kanyang pinirmahan. So, isang taon na lang ang natitira.

Limang conferences na lamang kasama ang kasalukuyang Commissioner’s Cup at kailangan na ni Gregorio na makabawi nang tuluyan at maihatid sa kampeonato ang Bolts.

Kasi, kung hindi niya iyon magagawa, baka tumagilid ang upo niya sa koponang ito. Kung may panahon upang targetin ni Gregorio ang mas mataas na placing, ngayon na iyon.

Minsan lang pumasok sa semis ang Meralco at ito’y noong limang teams  ang naging semifinalists. Kung papasok sa four-team semis ang Bolts, malaking achievement na iyon.  Kung papasok sa Finals? Mas malaki siyempre!

E kung magkampeon? Tutal nga naman ay chairman ng PBA ngayon si Mon Seguismundo ng Meralco at magandang regalo ito sa kanya? Well, hindi natin masabi. Baka sobrang adelantado na ang iniisip natin at ma-pressure si Gregorio!

Read more...