NAANTALA ang hangarin ng PLDT Home TVolution Power Pinoys na makarating sa quarterfinals ng Asian Men’s Club Volleyball Championship (AMCC) nang yumuko sa South Gas Club Sports ng Iraq, 25-22, 25-19, 25-18, kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi umubra ang ipinagmalalaking bilis at liksi ng Power Pinoys sa naglalakihang Iraqi players para lasapin ang unang pagkatalo matapos manalo sa Mongolia sa Group A sa ligang handog ng PLDT Home Fibr at inorganisa ng Sports Core katuwang ang Philippine Volleyball Federation.
Si Alnakran Abdilla ay tumapos taglay ang 10 kills tungo sa 11 puntos para sa Power Pinoys. Pero kinapos siya ng suporta mula sa kanyang mga kakampi tulad ni Australian spiker Cedric Legrand na matapos maghatid ng 18 puntos sa unang laro ay gumawa lamang ng pitong puntos kahapon.
Nag-ambag naman si Jayson Ramos ng siyam na puntos pero hindi kinaya ng mga locals na balikatin ang koponan lalo pa’t nakatapat nila ang mahuhusay na European imports ng katunggali.
Ang 6-foot-6 na si Aleksandaron Amaniev Metodi ng Bulgaria ay mayroong 13 kills tungo sa 15 puntos habang si
6-foot-5 Hungarian import Baroti Arpad ay may siyam na puntos na kinatampukan ng siyam na kills at tatlong service aces.
May tatlong aces pa si Mateed Safaa para kunin ng Iraq ang 9-2 kalamangan at isama sa 35-31 abante sa spike. Nakatabla ang Pilipinas sa blocking sa tig-apat pero mayroon silang 27 errors para makatulong sa pagbagsak sa labanan.
Kapag tinalo ng Iraq ang Mongolia sa susunod na laro ay awtomatikong papasok sa quarterfinals ang Pinas.