MULING nagharap sina Manny Pacquiao at Timothy Bradley kahapon para sa huling press conference ng kanilang rematch na itinakda sa Linggo sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
Pero sa pagkakataong ito ay wala na ang mga maiinit na pahayag at banta. Ito ay napalitan na lamang ng simpleng katiyakan na magiging maganda at kapana-panabik ang rematch.
Isinagawa ang press conference kahapon sa MGM Grand Arena sa Las Vegas at inulit lamang ng dalawa ang paniniyak na nasa magandang kondisyon sila at handang-handa na umakyat ng ring para ipakita ang buti ng masinsinang paghahanda.
“Everything is all set. Both camps have almost finished our training and we’re ready for Saturday (Sunday, Philippine time). And I think on Saturday it’s going to be a good fight and only God knows what’s going to happen,” wika ni Pacquiao.
Kaisa si Bradley sa pananaw ni Pacquiao at tinuran pa na marami na ang nasabi bago ang press conference at hindi pa dapat ulitin sa pagtitipong ito.
“Everything’s been said in the media. It doesn’t really matter what we say, it only matters what we do. This Saturday, all that matters is what we do in the ring and we’re gonna put on a great show for the fans and all the millions around the world,” paniguro ni Bradley.
Itataya ng walang talong si Bradley ang WBO welterweight title sa ikatlong pagkakataon. Ang kampeonatong ito ay napanalunan ni Bradley nang kunin ang kontrobersyal na split decision panalo sa unang pagtutuos noong 2012.
Marami ang nagduda sa desisyong iyon at binatikos ang mga hurado dahil pumanig ito kay Bradley gayong ang istatistika ng labanan ay pabor para kay Pacman.
Ang bagay na ito ay dagdag na hamon para kay Bradley.
“I’m excited for this challenge and this opportunity and I’m definitely going to seize the moment,” ani ni Bradley.
“This fight is very important to me and to my boxing career. Of course, my opponent is also claiming that this fight is very important, so it’s going to be a very, very good fight on Saturday so don’t miss it,” ani Pacquiao.
Mas mababa ang tatanggaping bayad ni Pacquiao para sa rematch na ito dahil ayon sa pinirmahang kontrata, siya ay babayaran ng $6 milyon tulad ni Bradley ng Top Rank.
Pero aakyat ito hanggang $20 milyon na ginarantiya ng Top Rank depende sa magiging benta ng Pay Per View.