Lahat ng mga pahayagan ngayon ay may bitbit na balita tungkol kay Kris Aquino. At kakambal ng kontrobersiyang hatid ng presidential sister ang mayor ng Kyusi na si Herbert Bautista.
Sila ang mainit na pinagpipistahan ngayon kahit saan, sila ang palaging paksa sa kahit anong antas sa lipunan, siguradong maligaya si Kris dahil minsan pa ay natupad ang hangarin niyang maging sentro ng paksa kahit saan.
Pero habang nagtatampisaw sa kaligayahan ngayon ang bagong magkarelasyon ay sumasabay naman du’n ang inis at galit sa kanila ng ating mga kababayan. Heto na naman daw si Kris, may binulabog na namang tahanan, kaya ang kantang handog sa kanya ng mga kababayan natin ay “Tukso.”
Nandiyan kasi ang kinikilalang mayora ng Kyusi na si Tates Gana. Walang personal na kinakausap si Mayora Tates ngayon, pero namimitas ito ng bunga ng magandang pakikisama at pagmamahal na matagal na nitong itinanim sa showbiz, kasabihan na nga na kung ano ang ating itinanim ay ‘yun din ang ating aanihin.
Sinasabi ni Kris Aquino na maligaya siya ngayon dahil nakita na niya ang lalaking gusto niyang makasama habambuhay. Si Mayor Bistek ang kanyang tinutukoy, ama ng dalawang anak ni Mayora Tates Gana, sina Athena at Harvey na masyadong apektado ngayon sa senaryong pinagdadaanan ng kanilang pamilya.
Maraming nakikisimpatya sa mag-iina, kay Kris nakaatang ang lahat ng inis at paninisi, nakakalimutan na yata ng mga miron na walang mabubuong relasyong ganito kundi rin ‘yun ginusto ng lalaki. Kung hindi ‘yun kinagat at pinasok ni Mayor Herbert ay wala sanang sinasabing bawal na pagmamahalang tulad ng sa kanila ni Kris ngayon.
Maramot daw si Mayor Herbert dahil pangsariling kaligayahan lang ang pinairal ng aktor-politiko. Ni hindi na raw nito inisip ang kanyang mga anak, lalo na ang emosyon ng babaeng dalawampung taon na nitong kasama na si Mayora Tates Gana, selfish nga naman ang ganu’n.
Tingnan na lang natin kung hanggang saan at kailan tatagal ang relasyong “Kristek” o “Bistetay”.