MARAMING politiko ngayon ang hindi alam kung ano ang gagawin ngayong bakasyon.
Simula na kasi ng enrollment sa maraming paaralan. Itong mga kongresista ay namomroblema dahil wala na silang pork barrel (Priority Development Assistance Fund) na mapagkukuhanan ng pondo para sa mga scholarship ng kanilang ka-distrito.
Marami ang umaasa sa pondo ng mga kongresista para makapag-aral, kahit pa sabihin na maliit lamang ito. Malaking tulong pa rin sa mga walang-wala.
Kung may pera naman sila, sa palagay nyo ba ay manghihingi pa sila ng tulong?
Hanggang ngayon ay wala pang linaw kung papaano makakalapit ang mga kongresista sa Department of Education at Commission on Higher Education para sa pondo ng kanilang scholars.
At hindi pa rin sigurado kung papaano ang magiging pilian ng mga bibigyan ng scholarship ng mga ahensya ng gobyerno.
Kung magkataon, madaragdagan nanaman ang mga out of school youth.
Bukod dito, meron na ring mga namomroblema na mga magulang dahil sa K to 12 program.
Kasi naman hindi biro ang gastusin sa pagpapaaral ngayon. Biruin mo, dinagdagan ng dalawang taon ang high school. Mas malaki na ang gastos, mas mahaba pa ang paghihirap ng mga magulang.
Hindi naman nakakapaniwala na babawasan ang bilang ng taon ng pag-aaral ng ilang kolehiyo. Income kaya yun. Bakit naman sila magbabawas ng kita?
Pagminalas-malas, lolobo ang bilang ng mga hindi makakapagtapos ng high school.
Alam naman natin na kulang ang pera ng gobyerno para sustentuhan ang mga public high school.
Tanggapin natin ang katotohanan na iba ang sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno kaysa sa tunay na nararanasan sa mga paaralan.
Kung sinasabi nilang sapat ang classroom, tanungin mo ang mga guro at mga mag-aaral at sasabihin nilang nanatiling panaginip pa rin iyon.
Ang isang classroom ay ginagamit lamang dapat ng isang section hindi katulad ngayon na by shit na ang klase. Minsan tatlong shift pa.
Baka kaya sinasabi nilang sapat ang classroom, sapat para sa two-shift at three-shift.
Ang estudyante para may matutunan dapat mas matagal sa classroom kaysa sa lansangan.
Hindi yung papasok ng 7 ng umaga, uuwi ng tanghali. Sa dami ng estudyante sa silid-alaran, mauubos yung oras ng teacher sa rollcall pa lang.
Para sa komento at tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad at mensahe sa 09178052374.