Guevarra, David nagpasiklab

MGA manlalaro ng Meralco Bolts ang nagningning ng husto sa nakaraang 2014 PBA All-Star Weekend na idinaos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Si Rey Guevarra ang itinanghal na Most Valuable Player ng Legends Game noong Biyernes at si Gary David naman ang MVP ng All-Star Game noong Linggo.

Maganda ang mga naging performance nila.Double victory nga ang nangyari kay Guevarra dahil sa nagkampeon din siya sa Slam Dunk competition.

Nagsosyo sila ng SanMig Coffee rookie na si Justin Melton sa karangalan dahil sa nagtabla sila sa Finals matapos ang dalawang round. Well, si Guevarra ay isang manlalarong hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng kanyang lugar sa PBA.

Hindi pa talaga siya nabigyan ng matinding break  at palipat-lipat siya ng koponan buhat nang siya ay umakyat sa pro league.
Sayang! Kasi ay maayos at maningning naman ang umpisa ni Guevarra na isang produkto ng Letran College.

Katunayan, sa kolehiyo pa lamang ay malaki na ang expectations sa kanya. Naaalala pa ng lahat yung game kung saan tinalo ng Knights ang powerhouse San Beda Red Lions.

Nagwagi ang Letran matapos ang slam dunk ni Guevarra kontra sa higanteng si Sam Ekwe. Mula noong kolehiyo hanggang sa mag-pro ay palaging sumasali sa slam dunk contests si Guevarra subalit hindi pinapalad hanggang noong Biyernes.

“Ngayon ko lang ginawa yung between the legs,” aniya. “Sa totoo lang, panay ang sablay ko sa dunks noong nagpa-practice kami. Sa isip ko, parang masama ang timing.

Pero noong actual competition, ibinigay ko talaga ang makakaya ko.” Iyon ang tinatawag na ‘try and try until you succeed.’  Kaya puwede din iyong mangyari sa kanyang career sa PBA.

Isang third pick overall sa draft sa likod nina Nonoy Baclao at Rabeh Al-Hussain na kapwa taga-Ateneo, si Guevarra ay mayroong malaking potential. Kung mabibigyan siya ng tamang exposure at break ni Meralco coach Paul  Ryan Gregorio, baka sakaling makamtan niya ang hanap na superstardom.

Si David naman ay tila nagbabawi. Alam naman nating lahat kung gaano  kainit ang kamay ng dating Lyceum Pirate na ito. Hindi nga ba’t binitbit niya ang underdog Powerade patungong Philippine Cup finals dalawang seasons ang nakalilipas.

Dahil doon ay naging contender siya para sa season MVP award ng PBA pero tinalo ni Mark Caguioa ng Barangay Ginebra.
Pero tumimo sa isipan ng lahat ang tindi niya bilang kamador at napasama siya sa Gilas Pilipinas squad na sumegunda sa FIBA Asia meet noong isang taon.

Ang siste’y hindi nagbaga ang mga kamay niya at parang nanamlay ang kanyang shooting. Kaya nga nasabi nating nagbabawi si David. Malay natin, sa pagiging MVP niya ng All-Star Game ay manumbalik ang tindi ng kanyang mga kamay.

Pabor iyon hindi lang para sa Meralco kundi para sa Gilas Pilipinas na lalahok sa Fiba World Cup sa Spain.Kung magtuluy-tuloy ang pagniningning nina Guevarra at David, baka sakaling umangat na nang todo ang Meralco Bolts sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup.

Read more...