ISA sa mahahalagang tao na nagbalik sa kampo ni Manny Pacquiao at magsisilbing susi sa inaasahang kumbinsidong panalo laban kay World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Timothy Bradley ay si strength and conditioning coach Justin Fortune.
Si Fortune ay nakasama sa Team Pacquiao mula 2003 hanggang 2007 bago hinalinhinan ni Alex Ariza. Pero nagkaroon ng hidwaan si Ariza at trainer Freddie Roach upang mawala ang una at bumalik si Fortune.
“I decided to bring back Justin because we know each other. We worked with each other before,” pahayag ni Pacquiao sa Ringtv.com Suportado ni Roach ang pagbabalik ni Fortune dahil alam din niya ang mga dapat ipagawa kay Pacquiao.
Sa panahong 2003 hanggang 2007 ay nagtala ng walong knockout panalo si Pacquiao at kasama sa mga natulog sa kanyang kamao ay sina Marco Antonio Barrera, Erik Morales (dalawang beses) at Jorge Solis ng Mexico.
“We were undefeated when Justin was with us. We never lost. Manny just wanted someone from the past back. They get along well, Justin knows what buttons to push and he knows how to make Manny work,” sabi ni Roach.
Hanap ni Pacquiao na talunin si Bradley upang maipakita na tunay na kontrobersya ang naitalang split decision panalo nito noong 2012.
Naunang sinabi ng walang talong si Bradley na umaasa siya na ang dating mabangis na Pacquiao ang siya niyang makakaharap para tunay na malaman kung sino sa kanila ang matikas.
Ang pangarap na ito ay ginarantiya na mangyayari ni Fortune. Ang mga dating ipinagagawa ni Fortune kay Pacman ay ipinagagawa uli pero may ilang idinagdag siya para mas maging epektibo sa gabi ng laban si Pacquiao.
“Bradley’s asked for the old Pacquiao back, so we’ll give it to him. But don’t b—ch when you get it back. That’s the thing. You’re going to ask for it, we’ll give it to you and don’t complain. No crying,” pahayag ni Fortune.
Marami ang naniniwala na ang dating mabangis na Pacquiao ang siyang lalabas sa rematch na ito at patunay nito ay ang pagiging liyamado ng Kongresista ng Sarangani Province kay Bradley.
Sa odds ng Sportsbooks ay minus 200 si Pacquiao at mangangahulugan ito na $200 ang dapat itaya para manalo ng $100 ang mga pupusta sa Filipino boxer.
Si Bradley ay plus 250 na mangangahulugan na tatama ng $250 ang $100 na taya sa kanya. Sa pamamagitan nito ay nakikita ng marami ang panalong maitatala ni Pacquiao habang may ilan ang nagsasabing matutulog si Bradley sa tagisan sa Sabado (Linggo sa Pilipinas) sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
( Photo credit to inquirernewsservice )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.