DAHIL tag-init na, uso na naman ngayon ang tigdas, kaya nga nakakabuting pag-usapan natin itong muli para makaiwas tayo sa virus na dala nito.
Muli na naman ka-sing nagbabala ang Kagawaran ng Kalusugan sa posibleng pagtaas na naman ng kaso ng tigdas, especially ngayong summer.
Nitong mga nakaraang buwan, nagkaroon ng “outbreak” ng tigdas na binantayan ng DoH.
Ang virus ay isa sa mga sanhi ng sakit tulad ng ibang mikrobyo (bacteria, fungi). Napakaliit (Submicroscopic) ang viruses at hindi natin mahuhulaan kung kailan ito dadapo, at kung kanino galing ito.
Masasabi na ang isang tao ay apektado nito base sa pagkakaroon mataas na lagnat, ubo, sipon, mapula ang mga mata, at ang “diagnostic” o ang senyales na ito ay tigdas, ay ang rashes na mapupulang pantal sa buong katawan kahit sa palad at maging talampakan (maculopapular) pagkatapos ng lagnat. Minsan ay makati ito at mayroon din “pathognomonic rash” sa bibig na ang tawag ay “Koplik’s spots”.
Nailipat sa iyo ang virus dalawang linggo na ang nakakaraan o dalawang linggo bago ka pa lagnatin. Ito ang tinatawag na “incubation period”.
Ilang araw bago at habang mayroon rashes, ikaw ay nakakahawa (infectious/ contagious).
Ang mga rashes ay nag-uumpisa sa likod ng mga tainga, ilang oras lang pati na buong ulo at leeg apektado at patuloy an madadamay ang buong katawan.
Karamihan ng apektado ay kabataan, kaya mahalaga ang immunization.
Ang unang turok ay ibinibigay sa edad na 18 months kasabay ng “mumps” at “rubella” (MMR vaccine). Ang susunod ay kung ang bata ay 4-anyos na. Ito pa rin ang pinaka-mabisang paraan para makaiwas sa measles o tigdas.
Ang tigdas ay maaring gumaling ng kusa, huwag lang magka-kumplikasyon na siyang nakakatakot na pangyayari. Maaring magkaroon ng gastroenteritis, corneal ulcers, ear infection at ang mas malalang pneumonia at encephalitis.
Para sa lagnat, ginagamit ang Paracetamol lamang at ang gamot na iba ay naaayon sa kumplikasyon na dumating.
Ang pagkahawa ay maiiwasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa meron nito, laging pagkakaroon ng kamalayan na nandyan lang ang measles sa paligid. Maigi ring gumamit ng face mask lalo na kung nasa crowded na lugar. Madali ang pagkalat nito dahil nanggaling sa ubo at sipon ng may measles na lumilipad sa hangin (aerosol transmission). Syempre mahalaga din na ang immune system o resistensiya ng bata ay malakas. Bigyan ng sapat na pagkain, tubig, pahinga at alaga gaya ng “hygiene at sanitation” ang dinapuan nito.
May nais ba kayong isangguni kay Dr. Heal? I-text ang DR. HEAL, pangalan, edad, lugar, at mensahe sa 09999858606 o 09277613906