MULA sa Facebook account ng Bantay OCW, nagpadala ng mensahe si Joseph Ledesma (JL) na nakakulong noon sa Riyadh, K.S.A. Limang taon siyang nakulong sa Saudi mula pa noong 2009.
Isa’t kalahating taon pa lamang na nagtatrabaho noon si JL sa restaurant ng kaniyang employer na si Tahel Alamri. Reklamo niya, hindi tama ang kanilang pasuweldo at hindi rin nasunod ang kanilang kontrata.
Maayos naman daw ang mga unang buwan ang kanilang suweldong natatanggap. Kalaunan, dala na rin ng di magandang takbo ng negosyo, nagsara ang restaurant kayat wala silang suweldong nakuha.
Hindi na naibigay ang kanilang sahod ng mga huling buwan nila sa na-turang restaurant. Hanggang sa pinagtrabaho itong si JL sa isa na namang restaurant, ang Olivetto. Anya, may usapan ang manager ng restaurant at dating amo.
Nagkabayaran na ‘anya ngunit patuloy pa rin siyang pinagtrabaho ng dating amo at kinakaltasan ang kanyang sahod.
Hindi rin siya pormal na nailipat sa Olivetto dahil hindi daw tumupad ang dating amo sa usapan. Dahil doon, binitiwan na siyang tuluyan ng bagong restaurant.
Humanap ng ibang mapapasukn si JL at
inabot siya ng dalawang taon mahigit ngunit wala para rin siyang Iqama, ang working permit sa Saudi.
Matapos ang kaniyang kontrata, kinausap niyang muli ang dating employer, si Taher na pauwiin na lamang siya ng Pilipinas.
Pero sagot ng kaniyang employer, dapat ‘anyang bayaran muna siya ni JL dahil binayaran nito ang kaniyang iqama, plane ticket patungo ng Saudi pati na ang ibiniyad sa Olivetto restaurant.
Pero tinutulan ni JL iyon dahil lahat ‘anya ng mga gastos na binanggit ng kaniyang employer ay ibinawas sa kaniyang mga suweldo nang nagtrabaho siya sa dalawang restaurant.
Taong 2011 nang humingi na ng tulong sa Labor si JL. Ilegal na ang pananatili niya doon kung kaya’t TNT na ‘anya siya.
Patuloy pa rin umanong nanghihingi sa kanya ng pera ang dating employer na si Taher. Dumating ang pagkakataon na may nais nang kumuha sa kaniya, nakapagsimula na siyang mag-ipon, upang makabuo ng sapat na halaga upang makauwi na siya ng Pilipinas.
Ayon kay JL nagtungo sila ni Taher sa Ras Tanurah at doon niya ibinigay ang perang hinihingi ng dating amo, dahil nangako itong pauuwiin siya at ihahatid sa airport, kapalit ng kaniyang exit clearance.
Paniwalang paniwala naman si JL na tutupad sa usapan si Taher. Ngunit sa halip na sa airport, sa Dammam jail siya dinala nito at pagkatapos ay inilipat sa Riyadh Jail.
May dalawang buwan na nakakulong si JL at nais niyang maasikaso sa lalong madaling panahon ang kaniyang kaso doon para makabalik agad sa Pilipinas.
Ayon pa kay JL huling balita niya mula sa ating embahada, may exit clearance na siya. Nangangahulugan nitong binigyan din siya ng dating sponsor ng exit clearance na siya namang inapply nila para sa exit visa.
Ipinadala ng Bantay OCW sa tanggapan ni Secretary Rosalinda Baldoz ng DOLE ang kasong ito. Mabilis namang kumilos si Labor Attache David Des Dicang at sa pamamagitan ng kaniyang pakikipag-ugnayan sa ating Labor Attache ng Riyadh na si Labatt Resty dela Fuente, masaya nitong ibinalita na nakauwi na noong Miyerkules (Apr 2, 2014) ang ating kabayan at kasama na ngayon ng kaniyang pamilya. Maraming salamat po sa inyong patuloy na pagtutok sa mga kaso na inilalapit ng Bantay OCW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com