Panalo ang Beki Boxer ni Alwyn Uytingco. May magandang dahilan na naman ngayon ang marami nating kababayan para umuwi nang maaga.
Kailangang matutukan nila ang bagong pinagbibidahang sitcom ng magaling na batang aktor tuwing alas siyete nang gabi.
Pangako namin sa aming sarili ang hindi pagpapalampas ng kahit isang episode lang ng Beki Boxer hanggang maaari, maganda kasi ang ikot ng kuwento nito, pampamilya at may kurot sa puso.
Palagi naming idinidiin na hindi man masasabing nasa ituktok ng kasikatan si Alwyn ay magtatagal siya sa larangang napili niya, iba ang talentong meron si Alwyn, para siyang kangkong na kahit saan mo itapon ay tutubo siya at mag-uusbong.
Nakakaaliw ang kanyang mga eksena sa Beki Boxer ng TV5, lalaking-lalaki siya sa totoong buhay, pero kung makaarte siya sa palabas ay para siyang bading na bading.
Marami kaming nagpapalitan ng text messages kapag pinanonood namin si Alwyn Uytingco, hindi namin napipigilan ang maghalakhakan, talagang siya lang at wala nang iba pang batang aktor na makapagbibigay ng hustisya sa papel na ipinagkatiwala sa kanya ng TV5.
Ngayon ay mas lumalalim na ang kuwento, naiinlab na siya kay Vin Abrenica, nakakakilig na nakakaaliw ang mga bagong eksenang kailangan nating hintayin sa Beki Boxer.
Nang tanungin namin ang magaling na aktor kung hindi ba naaapektuhan ang kanyang girlfriend na si Jennica Garcia sa kanyang mga ipinakikita ngayon ay isa lang ang mabilis niyang sagot, “Ayun, naloloka na ang lola n’yo sa akin.
Pero wala siyang choice!” Ha! Ha! Ha! Ha!
( Photo credit to EAS )